Kamag-anak, humingi ng tulong sa socia media para mabigyan ng gatas at diaper ang isang bagong silang na sanggol na nasa nakakaawang kondisyon



Ang mga batang musmos at inosente ang madalas naaapektuhan ng mga sakuna, kalamidad o pandemyang katulad ng COVID-19 na nararanasan natin sa kasalukuyan. Ngunit napakahirap makita para sa ating mga magulang na mayroong mga inosenteng bata na nadadamay sa hirap ng buhay sa ngayon.


Tulad na lamang ng ibinahaging kwento na ito ng isang netizen na umantig sa puso ng publiko kamakailan lamang. Dahil sa hirap ng buhay at mas pinalala pa ng ipinapatupad na “enhanced communitu quarantine” sa maraming lugar sa bansa dahil sa COVID-19 ay talaga namang napakahirap ng naging kalagayan ng pamilyang ito.




Ayon sa uploader ng naturang post na si Leah Javier ay kapapanganak pa lamang ng kaniyang lola na si Marlyn Borado nitong Marso, at dahil sa ECQ ay wala silang hanapbuhay o pinagkakakitaan ng kaniyang mister. Dagdag pa niya, “Am” lamang o sabaw ng sinaing ang ibinibigay sa sanggol dahil wala talaga silang pangbili ng gatas at diaper ng sanggol.


Hindi rin naman makapag-breastfeeding ang ina ng sanggol dahil maging ito ay hindi na rin halos kumakain. Sinabi rin niyang hindi nila kayang magbigay ng mga pangangailangan ng bata at ng ina nito dahil sa maging sila ay hirap din sa buhay.



Maraming mga netizens ang hindi nagdalawang-isip na mag-abot ng tulong sa pamilya at nangakong kahit kaunti ay tutulong sila. Nakakatuwang malaman na mayroon pa rin palang mga tao na handang mag-abot ng tulong sa mga nangangailangan at sa mga taong hirap talaga sa buhay.


Lalo na sa panahon ngayon na mayroon tayong pinagdadaanang krisis at naging napakalaking banta ng pandemyang COVID-19 para sa maraming mga aspeta ng ating bayan. Kung kaya naman lahat ng mga Pilipino ay nananalangin na sana ay tuluyan nang matapos ang krisis na ito at muli nang magbalik ang ating mga buhay noon na wala nang paghihirap, gutom, takot at pangamba.