Isang “Flight Engineer” naging isang “Aircon Repairman” matapos mawalan ng trabaho dahil sa COVID-19!



Nakakalungkot malaman na maraming mga tao ang nawalan ng kanilang mga trabaho dahil sa sakit na COVID-19. Ngunit kamakailan lamang ay nagbigay ng inspirasyon sa maraming mga tao sa buong mundo ang isang flight engineer na ito dahil nawalan man siya ng trabaho dahil sa kinakaharap nating krisis sa ngayon ay nakagawa pa rin siya ng paraan upang kumita ng pera para sa kaniyang pamilya.


Siya ay walang iba kung hindi si Folkky Chutiphong mula sa Thailand. Dati siyang kumikita ng halagang 98,635 Thai Baht o US$3,000 sa loob ng isang buwan bilang isang flight engineer sa Thai Lion Air.




Tunay nga na malaking halaga na rin ito bilang pangsuporta sa kaniyang pamilya. Ngunit dahil sa COVID-19 ay bigla na lamang nawalan ng trabaho si Folkky.


Maaalala na kahit noon pang Enero ay mayroon nang ilang mga airline companies ang nawalan ng mga customer dahil sa pagkalat ng COVID-19 mula sa Tsina at patuloy pa rin itong lumalaganap sa marami pang bansa sa ngayon. Mayroong ilang mga kompanya ang nalulugi na dahil sa nagnanais ng refund ang kanilang mga customer at kasabay nito ay kailangan din nilang paswelduhin ang kanilang mga manggagawa.



Lumipas pa ang ilang mga buwan at talaga namang dumami na ang naapektuhang kompanya ng krisis na ito. Dahilan upang magkaroon na lamang ng mga “unpaid leave” ang ilang empleyado habang ang iba naman ay tuluyan nang tinanggal dahil sa wala pang kasiguraduhan ang sitwasyon ng maraming mga bansa sa ngayon.

Isa na si Folkky sa mga manggagawa na nawalan ng trabaho. Ngunit sa kabila nito ay hindi siya pinanghinaan ng loob at talagang nagsumikap upang makahanap siya ng iba pang mapagkakakitaan.


Dahil na rin sa lockdown, maraming mga pamilya ang nasa loob na lamang ng kanilang mga tahanan at madalas na gumagamit ang mga ito ng “aircon”. Maraming mga pamilya ang naghahanap ng maaaring mag-ayos o maglinis ng kanilang aircon kung kaya naman hindi na nagdalawang-isip pa si Folkky at ginawa ang trabahong ito upang kumita.


Nakakamangha na kahit sa pinakamahirap na sitwasyon ay nakakagawa pa rin ng paraan ang maraming mga tao upang mas maging positibo sa buhay.






error: Content is protected !!