Nagrerenta lamang sila noon ngunit ngayon ay mayroon na silang sarili nilang tahanan at mga sasakyan!



Isang mag-asawa ang talaga namang nagpamangha sa publiko dahil sa kanilang pagpupursige at sa kanilang determinasyong makamit ang kanilang mga pangarap. Ayon sa ibinahagi ni George hindi naging madali ang kanilang pagsisimulang mag-asawa dahil sa taong 2015 ay kinailangan nilang mangupahan muna dahil sa wala silang sapat na kakayahan na makabili ng sarili nilang bahay at lupa.


Kasabay din nito ang pagtatayo nila ng maliit nilang negosyo at ang pagdating ng kanilang panganay na anak na si Gabbie. Talaga namang nagtiis ang mag-asawa na mamuhay ayon lamang sa kanilang kakayanan at magtipid ng husto upang hindi masayang ang kanilang pinaghihirapang pera.



Bagamat hindi pa ganoon kaayos ang kanilang kabuhayan at pinagkakakitaan ay lubos ang pasasalamat ni George sa asawa niyang si Chin dahil sa hindi ito maluho at wala rin silang mga bisyo. Ang dalawang kwartong paupahan na kanilang tinutuluyan noon ay nagkakahalaga ng P3,500.


At dahil sa hindi rin naman biro ang mga gastos noon isama pa ang mga pangangailangan ng kanilang bagong silang na anak ay talaga namang mas nagsumikap pa ang mag-asawa. Isang araw ay mayroon silang nakilalang Pastor na napadaan lamang sa kanilang inuupahang bahay.



Ang Pastor na ito ay nagsabing balang araw ay magkakaroon sila ng sarili nilang bahay at lalago ang kanilang negosyo. Nagtaka ang mag-asawa dahil sa hindi nila personal na kilala ang Pastor at hindi rin nila batid kung paano nalaman ng Pastor nangungupahan lamang sila at mayroon silang maliiit na negosyo.



Taong 2016 nang magkaroon sila ng pagkakataong makilala ang mag-asawa na nagmamay-ari ng kanilang inuupahan. Nalaman nilang aalis na pala ang mga ito patungo sa Australia at doon na sila maninirahan.

Nanlumo ang mag-asawa dahil sa hindi nila batid kung saan sila lilipat matapos nito. Ngunit laking gulat na lamang nila nang sabihin ng mag-asawa na ibebenta nila ang bahay na iyon kina George at Chin at bahala na sila kung kailan nila ito kayang bayaran.

Makalipas ang dalawang taon ay nabayaran na nila ang kanilang sariling bahay at kalaunan ay nagpatayo ng sarili nilang tahanan dito. Isang tatlong palapag na modernong tahanan na mayroong sukat na 200 sq. meters.



Mayroon pa itong sunset deck at Jacuzzi. Sinong mag-aakala na makapagpapatayo sila ng sarili nilang tahanan nang hindi na nila kailangan pang mangutang ng malaking pera? Tanging determinasyon, pagsusumikap at pananampalataya lamang ang kanilang naging sandata.




error: Content is protected !!