Hindi pala talaga biro ang halagang magagastos mo kung sakaling mahawahan ka ng delikado at nakakatakot na sakit na COVID-19. Ayon sa ilang mga ulat, ang isang pasyenteng nagpositibo sa naturang karamdaman ay nagkakahalaga ng mula sa P43,000 hanggang sa P800,000.
Ayon din sa ilang mga ulat ng ABS-CBN, mayroong dalawang mga pasyenteng nagsabi na ang kanilang binayaran sa ospital nang kinailangan nilang magpagamot dahil sa naturang karamdaman ay halos na mahigit P100,000. Isa pang pasyente ang nagbahagi na nagbayad siya ng P93,805 sa loob lamang ng walong araw niyang pananatili sa ospital.
Ayon sa naturang pasyente ay PhilHealth mismo ang nagbayad ng halagang P4,000 habang nasa P89,000 naman ang binayaran ng kaniyang insurance. Kung kaya naman ang natitirang P170 na lamang ang kaniyang binayaran.
Maaalalang inanunsyo ng ahensya noong Abril 14 na sila ang magbabayad ng gastusin sa ospital ng mga Pilipinong magpopositibo sa sakit na ito. Ngunit mayroong “4-tier criteria” na kanilang magiging gabay patungkol dito.
Ayon sa presidente ng PhilHealth na si Ricardo Morales ang “4-tier criteria” na ito ay ang sumusunod: Mild pneumonia- P43,997, Moderate pneumonia- P143,267, Severe pneumonia- P333,519, at Critical pneumonia- P786,384. Tunay nga na hindi biro ang magkaroon ng sakit sa ngayon.
Lalo pa at patuloy na lumolobo ang mga bilang ng mga taong nagpopositibo sa pandemyang ito. Nawa ay mas magkaisa pa at mas magtulungan ang bawat mamamayang Pilipino upang tuluyan na nating mapagtagumpayan ang krisis na ito.
Kung patuloy kasi tayong magiging pasaway, iresponsable at makasarili, tiyak na mas mahabang panahon pa ang ating gugugulin at mas mahabang pagsasakripisyo pa ang mangyayari bago tayo makabalik sa normal nating mga buhay. Nakakalungkot isipin na napakarami pa rin sa atin hanggan sa ngayon ang tila hindi pa rin batid ang panganib na dala ng pandemyang ito hindi lamang sa ating mga buhay kundi lalo na sa buhay ng ating mga mahal sa buhay, sa maraming mga bata, mga nagdadalang-tao, at sa mga nakatatanda.