Balut na nakalimutang kainin, ganap nang isang munting bibe nang matagpuan!



Tayong mga Pilipino ay maraming ipinagmamalaking masasarap na mga putahe. Talaga namang kahit ang mga mayayaman at kilalang personalidad sa ibang bansa ay aminadong hinahanap-hanap at talaga namang naging paborito nila ang ilan sa mga kilalang ulam, putahe, merienda, o maging mga street foods sa ating bansa.



Isa na marahil sa mga pagkaing hindi makakalimutan ng maraming mga dayuhang turistang namamasyal sa bansa ang pagkain ng balut. Ang balut ay mula sa itlog ng bibe o itik na kadalasang inilalako tuwing gabi, o makikita sa mga kalsada at iba pang lugar sa maraming mga lugar sa bansa.


Kilala rin ang balut sa pabirong katawagan na “pampalakas ng tuhod” sa maraming mga kalalakihan at kababaihan. Kamakailan lamang ay nagdulot ng kagalakan sa maraming mga netizens ang kwento ng isang munting bibe na pinangalangan “Cobibe”.


Si Maria Corina Enriquez Venturanza ang nagbahagi ng nakakatuwang kwento na ito sa kaniyang social media account. Ayon sa kaniyang kwento, mahilig talaga siyang kumain nang balut kahit noon pa.


Kung kaya naman isang araw ay bumili siya ng hilaw na itlog ng balut na itinabi muna niya sa isang lugar. Dahil nga sa inabutan na siya ng “enhanced community quarantine” sa loob ng kanilang tahanan ay nawala na sa kaniyang loob na mayroon pala siyang itinabing hilaw na balut na dapat sana ay lulutuin niya.



Isang araw ay bigla na lamang siyang nakarinig ng ingay na inakala niyang daga lamang. Nang hanapin niya ang pinanggagalingan ng ingay ay natuklasan niyang napisa na pala ang binili niyang balut at ito ay ganap nang bibe na pinangalanan niyang “Cobibe” hango sa pandemyang kinakaharap ng maraming mga bansa sa buong mundo hanggang sa ngayon.

Maraming mga netizens ang nagkomento na isang magandang senyales ito ng pag-asa sa gitna ng kinakaharap nating krisis sa ngayon. Pinayuhan din si Venturanza ng ilang netizen na alagaan na lamang ang munting bibe dahil sa tiyak silang may dala itong swerte sa kaniya.




error: Content is protected !!