Lalaking nag-viral dahil sa isang meme, labis na sumama ang loob dahil sa ginawang katatawanan ang kaniyang mukha!



Masama ang loob na humarap sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang lalaking ito na ginawang katatawanan ang kaniyang mukha sa social media. Sa viral meme kung saan inilagay ang kaniyang mukha ay mayroong mga salitang nakasulat na “Hindi ako nakalista sa relief goods pero nong tokhang nalista ako.”


Sa unang tingin ay talaga namang katutuwaan mo ang naturang larawan dahil sa gulat na gulat na hitsura ng lalaki. Ngunit sa likod ng larawang ito ay ang hindi naging magandang karanasan ng 45-anyos na si Elmer Montemayor na isang residente sa Minalabac, Camarines Sur.



Ayon sa kaniyang panayam sa KMJS ay hindi nito batid na sikat na pala siya sa social media dahil sa kakatawanang meme na ginawa gamit ang kaniyang mukha. Talaga namang sumama ang kaniyang loob dahil sa pinapalabas ng naturang meme na isa siyang masamang tao na nakasama sa tokhang list ng kanilang barangay.


Ngunit ang katotohanan ay isa lamang siyang simpleng tao na naghahanap-buhay ng marangal para sa kaniyang pamilya. Pahayag pa ni Elmer ang naturang larawan ay kuha noong nasa Naga pa siya kung saan inilalako niya ang kaniyang paninda.


Nakatingala siya noon dahil sa nakatingin siya sa nahuhulog na mga papel at sakto namang nakuhanan siya ng larawan. “Hindi dahil ganito ang itsura ko, sinisiraan niyo na ako. Hindi ako masamang tao, marangal akong tao. Masakit naman na pagbintangan ang katulad ko na inosente,” pahayag ni Elmer.

Dagdag pa ni Elmer ay nagsusumikap siyang maghanap-buhay ng disente upang masuportahan ang kaniyang pamilya. Bukod sa paglalako ng kaniyang paninda ay nagtatrabaho din siya bilang isang construction worker kung kaya naman talagang sumama ang kaniyang loob nang ginawang katatawanan ang kaniyang mukha na kumalat pa sa social media.


Ayon mismo sa hepe ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division na si Atty. Victor Lorenzo ay maaaring magsampa ng kaso si Elmer kung kaniyang nanaisin.






error: Content is protected !!