Mabuting Samaritano, namataan sa isang pamilihan na nag-abot ng pasikretong tulong sa isang lalaki!



Sa panahon ng krisis natin sa ngayon, napakasarap pa rin talagang tumulong sa ating kapwa na alam natin na talagang nangangailangan. Kahit pa nga sabihin ng marami na mahirap ang buhay sa ngayon, ang taos-pusong pagtulong at pagkakawang-gawa ay isa sa pinakamabuting magagawa natin sa ngayon.



Tulad na lamang ng isang mabuting Samaritano na ito na nakuhanan ng larawan ng isang netizen na nakilala bilang si Marianne Ercillo. Nasaksihan niya kung paano tumulong ang isang lalaki sa isa pang lalaki sa isang pamilihan.

Makikita sa mga larawan na mayroong isang lalaking nakaputi na nakapila na sa “cashier” upang magbayad ng kaniyang mga pinamili. Ilang sandali pa ang lumipas at lumapit ito sa isang lalaking nakasuot ng berdeng damit.


Napansin ni Marianne na nag-abot ang lalaking nakaputi ng P1,000 ngunit hindi batid ng naturang netizen kung ilan ang mga ito. Umalis naman sandali sa kaniyang kinatatayuan ang lalaking naka-berde at iniwanan ang kaniyang mga pinamili.

Dalawang minuto pa ang lumipas at nagbalik ito nang mayroong dala-dalang gatas na agad niyang isinama sa mga nauna niyang pinamili. Binalikan naman nito ang lalaking nagbigay sa kaniya ng tulong at nagpasalamat dahil sa mayroon nang pandagdag sa gatas ng kaniyang anak.



Talagang makikita ang saya at kagalakan sa mga mata ng lalaking nakaberde, gayundin naman ang lalaking nakaputi. Umani ng maraming mga komento mula sa publiko ang ginawang kabutihan na ito ng lalaki.

Tunay nga na hindi matatawaran ang ganitong klase ng pagtulong sa ating kapwa. Kung kaya naman sana ay mas marami pang mga tao ang gawing halimbawa ang lalaking ito na hindi na kinakailangan pang maging mayaman upang makagawa ng mabuting bagay sa ating kapwa.



Huwag sana nating kalimutan na ang mga taong matulungin ay tiyak na magkakamit ng gantimpala mula sa Diyos. Sa halip na manghusga tayo at mangutya sa mga panahon na ito ay patuloy tayong magtulungan at magkaisa upang mapagtagumpayan na natin ng tuluyan ang pagsubok na kinakaharap natin sa ngayon.




error: Content is protected !!