“The Crooked House” ng Poland, kinagiliwan ng mga netizens!



Napakaraming magagandang tanawin at atraksyon sa ating bansa at maging sa ibang panig pa ng mundo. Hindi na nakapagtataka na maraming mga tao ang nagnanais na malibot ang buong mundo at makita ang natatanging ganda ng mga atraksyon dito.



Kamakailan lamang ay pumukaw sa atensyon ng marami ang kakaibang istruktura ng bahay na ito na matatagpuan sa Poland. Sa unang tingin ay aakalain mo na “lasing” ang pagkakatayo ng bahay na ito dahil sa mukha talaga itong gumegewang–gewang.

Marahil ay iisipin mo din na mayroong mali sa iyong paningin o di kaya naman ay nililinlang ka lamang ng iyong ilusyon ngunit ang sikat na atraksyon na ito ay talagang itinayo na tila baluktot. Binansagan itong “most photographed building” dahil sa talaga namang nakakamangha at nakakabilib ang pagkakagawa dito.


Ito ay matatagpuan sa Rezydent Shopping Center sa Sopot, Poland. Ang nagdisenyo nito ay isang Polish architect na si Szotynscy Zaleski. Nagsilbing inspirasyon para sa kaniya ang mga fairytale illustrations ni Jan Marcin Szancer at artwork ni Per Dahlberg. Ang naturang bahay ay mayroong laking 4,000 square meters.


Bukod sa agaw-atensyong anyo ng istruktura na ito ay mayroon din itong makulay na stained glass entrances, stone elevation decors at windows framed na mayroong sandstone. Mayroon ding “blue-green enameled shingles” bubungan nito na sinadyang gawin upang magkaroon ng impresyong dragon ang baluktot na bahay.



Nakakabilib at nakakamangha na ito sa umaga ngunit pagsapit ng gabi ay talaga namang mas lalo kang mamamangha dahil sa angking ganda ng mga ilaw at aranya sa loob at labas nito. Maraming mga netizens ang hindi napigilang magpahayag ng kanilang mga komento at reaksyon patungkol sa naturang atraksyon.

Mayroong iilan sa kanila ang nagpahayag ng pagnanais na bisitahin ang naturang lugar kapag natapos na ang kinakaharap nating pandemya sa ngayon. Bukod sa “The Crooked House” na ito sa Poland ay kinabibiliban din naman ang “Upside–Down House” na matatagpuan sa Szymbark, Poland.

Mayroon din namang “Dancing House” sa Prague, Czech Republic na kung tawagin ng marami ay “Fred and Ginger”. Mayroon ding “Leaning Tower of Pisa” sa Italya na kusang tumagilid dahil sa hindi nito kinaya ang kabuuang bigat nito.