Wais na misis, pinuhunan sa negosyo ang nakuhang ayuda mula sa SAP!



Sa panahon ngayon na maraming mga pagsubok tayong kinahaharap, napakalaking bagay ang marunong tayong magtiis at magtipid. Hindi na lingid sa kaalaman ng maraming mga Pilipino na dahil sa pinairal na “enhanced community quarantine” ng ating gobyerno ay kinailangang mahinto sa trabaho ng ilang mga Pilipino.


Naging dahilan ito upang mawalan ng pagkakakitaan ang mga manggagawang Pilipino na dapat sana ay pangsuporta sa kanilang mga pamilya. Mayroon din namang ilang mga mahihirap na pamilyang pinalad at nakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng Social Amelioration Program (SAP) na pinangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).



Tulad na lamang ng ginang na si Laarnes Dela Cruz. Siya ay misis ng isang tricycle driver sa Iloilo City. Hinangaan siya ngayon ng publiko dahil sa halip na magreklamo at sabihing hindi sasapat ang tulong na laan ng gobyerno para sa kanilang pamilya ay ginamit pa niya itong ipandagdag sa kanilang munting negosyo upang hindi kaagad na maubos.


“Napagdesisyunan namin ng asawa ko na gamitin ito na pandagdag sa aming negosyo, nag-aangkat kami ng prutas o iba pang puwedeng ibenta sa city. Dahil dito hindi agad ito naubos,” pahayag ng wais na misis na si Laarnes Dela Cruz.


Bukod sa kanilang mga panindang prutas ay nagtitinda rin sila ng mga kakanin tulad na lamang ng kutsinta, pitchi-pitchi at puto cheese. Dahil sa tricyle driver ang kaniyang mister ay nakagawa sila ng paraan upang ma-deliver sa kanilang mga customers ang mga orders ng mga ito.

“Kung medyo malayo ang nag-o-order, dine-deliver namin ng asawa ko, magkasama kaming gumagawa, at pati na ang anak ko at dine-deliver namin sa bayan,” pahayag pa niya.



Dati pa lang OFW ang ginang sa Hong Kong kung kaya naman batid nito ang hirap na kumita ng pera at ang dali na maubos nito. Kung kaya naman payo niya sa maraming mga Pilipino na dapat at maging matalino sa paghahawak ng ating pera lalo na sa ngayon na mayroon tayong kinakaharap na matinding pagsubok.




error: Content is protected !!