Halos P50k kada buwan, kinikita ng isang netizen dahil sa mga vlogs nito tungkol sa buhay probinsiya!



Nagsilbing inspirasyon sa publiko ang kwento ng isang probinsiyano na ito na nagmula sa hirap ngunit ngayon ay unti-unti nang inaani ang bunga ng kaniyang tagumpay. Kamakailan lamang ay naitampok sa sikat na magazine show na “Kapuso Mo, Jessica Sojo” ang isang vlogger na nagpapakita ng simpleng pamumuhay nito sa probinsiya.



Ang naturang YouTube channel ay nakilala bilang “Macki Moto” na mayroon nang higit 142,000 na mga subscribers. Hindi niya akalain na ang buhay na nais niyang iwanan at talikuran noon ang siya palang mag-aahon sa kaniyang pamilya mula sa kahirapan.


Namulat sa hirap ng buhay si Mark Joseph Cunanan o mas kilala na ngayon bilang si Macki Moto sa YouTube. Naibahagi nito na naranasan nila noon ang hindi kumain sa loob ng isang araw dahil sa matinding kahirapan ng buhay.

Kung kaya naman nang makatapos siya ng highschool ay napagdesisyunan niyang lumuwas ng sa siyudad upang makahanap ng trabaho, makapag-ipon at makapagpundar ng pangarap niyang motor. Ngunit hindi ito naging madali dahil sa ang kaniyang kinikita ay napupunta lamang sa kaniyang pang-upa.



Hanggang sa siya ay nagkaroon na ng sarili niyang pamilya at kinailangan niyang mas magpursige sa buhay. Bumalik siya sa probinsiya nila sa Nueva Ecija at doon nagtrabaho bilang isang tricycle driver at construction worker.

Dahil hindi pa rin sapat ang kaunti niyang kita na pinapadala niya sa kaniyang mag-ina sa Maynila ay sinubukan niya rin ang paggawa ng vlogs. “Ipon Challenge” at patungkol sa motorsiklo ang una niyang mga naging video ngunit nagsimula ang kaniyang swerte nang marami ang nanuod ng kaniyang mga video tungkol sa kaniyang buhay probinsiya.



Ilan sa mga ito ay ang pagtatanim at pag-aani niya ng mga sili, kamatis, mani at marami pang iba. Maging ang simpleng panghuhuli ng isda sa kabukiran, pamamahinga sa pilapil, at pagluluto ng mga sariwang putahe ay talaga namang tinangkilik ng kaniyang mga manunuod.

Kalaunan ay nakuha na niya ang kaniyang unang sweldo na nagkakahalaga ng halos P48,458. Halos nasa P40,000-P50,000 ang kinikita niya sa isang buwan kung kaya naman hindi na nakapagtatakang makabili siya ng sarili nilang tahanan at sa wakas makalipas ang pitong taon ay muli na silang magkakasama-sama ng kaniyang mag-iina.




error: Content is protected !!