Iza Calzado, pinasalamatan ang kaniyang kasambahay na hindi siya iniwan kahit pa nagpositibo siya noon sa COVID-19!



Ang aktres na si Iza Calzado ang isa sa mga mapapalad na taong nakaligtas sa nakakatakot na sakit na COVID-19 na talaga namang nakaapekto sa maraming mga indibidwal sa iba’t-ibang panig ng bansa sa buong mundo. At isa sa mga taong tumulong sa kaniya ay ang kaniyang kasambahay sa loob ng mahigit dalawang taon na si Donna Garcia.



Sa “pilot episode” ng programa ni udy Ann Santos-Agoncillo na pinamagatang, “Paano Kita Mapasasalamatan”, ibinahagi ni Iza kung gaano kahirap ang naging karanasan niya noong nagkasakit siya ng COVID-19. Pinahayag ng aktres na maliban sa kaniyang mister ay pinalakas din ng kaniyang 16 na taong gulang na kapatid ang kaniyang loob upang mapagtagumpayan ang kaniyang mahirap na pinagdaraanan.


Labis labis ang pasasalamat ng aktres sa kaniyang pamilya na talaga namang sumuporta at nagpalakas ng kaniyang loob ng mga sandaling iyon. Gayundin naman ay hindi rin niya nakalimutang pasalamatan ang kaniyang kasambahay na hindi rin siya iniwan ng mga sandaling iyon.


Matapos malaman ng pamilya ni Iza na positibo siya sa nakakahawang sakit ay nangamba rin sila sa kaligtasan ni Donna na palaging kasa-kasama ng aktres. Ninais nilang pauwiin na lamang siya agad agad sa kaniyang pamilya.


Ngunit mas minabuti pa ni Donna na manatili na lamang sa pamilya ni Iza dahil batid niyang mas makakatulong siya sa kanila lalo na sa mga panahong ito. Kahit ano pang pilit ng pamilya ni Donna ay mas ninais pa rin niyang gawin ang kaniyang responsibilidad bilang kasambahay ng aktres.



Dahil dito ay binigyan ni Iza ng susi ng kanilang bahay si Donna bilang simbolo na hindi lamang siya isang kasambahay ngunit isa na rin siyang miyembro ng kanilang pamilya. Nangangahulugan din itong bukas ang pintuan ng tahanan nina Iza para kay Donna anong oras man niya kailanganin ang kanilang tulong.

Tunay nga na napakagandang inspirasyon ni Donna para sa maraming mga Pilipino dahil sa naging pagmamalasakit at pagsuporta nito sa aktres at sa pamilya nito sa gitna ng mabigat na pagsubok.




error: Content is protected !!