“Hidden beach” sa Palawan, isa na ngayon sa “30 Best Beaches in the World”



Mapalad ang Pilipinas dahil sa biniyayaan tayo ng maraming mga magagandang lugar at destinasyon dito sa ating bansa na talaga namang dinarayo ng maraming mga dayuhan mula sa iba’t-ibang bansa. Ilan sa mga lugar na binabalik-balikan ng mga turista ay ang ating mga kabundukan, mga burol, makasaysayang mga lugar at mga beach.


Dahil sa mainit na klima sa ating bansa ay talaga namang marami sa mga lokal at dayuhang turista ang gustong-gustong pumunta sa ating mga beach. Dahil dito ay mas nakikilala ang Pilipinas dahil sa angking kagandahan ng ating bayan.



Nito lamang Hunyo 21, 2020 ay ipinagdiwang ng “Department of Tourism” ang pagkakasama ng Palawan sa Conde Nast Traveller’s (CNT) 30 “Best Beaches in the World”. Ang dinarayo na “Hidden Beach” sa El Nido, Palawan ay nagbigay ng karangalan sa maraming mga Pilipino dahil sa pagkilalang natanggap nito.


Sa gitna ng pandemya naipalabas ang listahang ito kung kailan marami sa iba’t-ibang lugar sa mundo ang nasa ilalim pa ng “lockdown”. Nasa ika-20 pwesto ang Hidden Beach sa Palawan na talaga namang nagbigay ng pag-asa sa marami sa atin.



Halos umabot sa 60% ang naging pagbagsak sa turismo dahil sa naging “lockdown”. Ayon sa Facebook page ng DOT, ipinahayag ng CNT na makalipas ang pandemyang ito ay maraming mga indibidwal sa iba’t-ibang panig ng mundo ang nagpaplanong bumisita sa ilang mga magagandang beach sa buong mundo at isa na nga rito ang Hidden Beach ng Palawan.


Sa mga ganitong pagkilala ay talaga namang nakaka-proud maging isang Pilipino. Hindi lamang ang pagiging masayahin at maasikaso sa mga bisita ang kinabibiliban ng maraming mga dayuhan sa ating lahi kundi maging ang pagkakaroon natin ng mga magagandang tanawin na maituturing nating napakagandang biyaya mula sa Diyos.



Kung kaya naman marapat lamang na mas maging maingat at mapagmahal tayong mga Pilipino sa ating kapaligiran dahil sa isa ito sa mga bagay na talagang nagbibigay ng dangal at pagkilala sa ating minamaha na bayang Pilipinas.



error: Content is protected !!