Mga sikat na aktres noon na iniwanan ang showbiz matapos silang ikasal, kilalanin!



Marami na tayong nasaksihan na mga artistang nagsimula at nagtagumpay sa industriya ng show business. Hindi biro ang mga pagsubok na kanilang kinaharap para lamang makilala sa industriyang ito. Ngunit ilan sa kanila ang nagdesisyong iwanan na ang show business matapos nilang magpakasal at magkaroon ng sarili nilang mga pamilya. Ito ang ilan sa kanila:

KRISTINE HERMOSA

Si Kristine Hermosa ang pinakahinahangaang aktres sa pelikula at telebisyon noon. Hindi lamang dahil sa kaniyang mahusay na pagganap sa kaniyang mga proyekto ngunit sa angkin niyang kagandahan. Maging hanggang sa ngayon na hindi na siya madalas makita sa harap ng kamera ay tila wala pa ring kupas ang kaniyang kagandahan.



Sa isang sikat na proyektong ginawa niya noon ay pinagtagpo ang tadhana nila ni Oyo Boy Sotto na naging asawa niya taong 2011. Sa ngayon ay masayang-masaya at kuntento sa kaniyang buhay bilang isang ina at asawa si Kristine. Biniyayaan sila ng apat na mga anak sina Kristian Daniel, Ondrea Bliss, Kaleb Hanns, at Marvic Valentin.


PRINCESS PUNZALAN

Isa sa pinakarespetadong aktres at kontrabida ng kaniyang henerasyon si Princess Punzalan. Talaga namang tumatak sa puso ng maraming mga Pilipino ang isa sa kaniyang mga proyekto na “Mula Sa Puso” kung saan siya gumanap bilang si “Selina”. Ikinasal siya noon sa host at komedyanteng si Willie Revillame ngunit hindi rin naging matagumpay ang kanilang pagsasama na nauwi rin sa hiwalayan.

Sa ngayon ay masaya na siyang naninirahan sa ibang bansa kasama ang kaniyang mister na si Jason Field, isang marketing professional sa Estados Unidos. Mayroon na rin silang anak at nagtatrabaho siya sa California bilang isang nars.

RICA PERALEJO

Marami din ang humanga noon sa sexy actress na si Rica Peralejo. Hindi lamang siya hinangaan ng publiko dahil sa mga horror movies at television series na kaniyang nagawa noon kundi dahil na rin sa pagiging mahusay niyang host.

Nagkaroon man ng ilang mga hindi matagumpay na relasyon noon ay nakatagpo naman siya ng tunay niyang pag-ibig sa katauhan ng Pastor na si Joseph Bonifacio. Nang ikasal silang dalawa ay nagdesisyon na siyang iwanan ang show business at magpokus sa kaniyang sariling pamilya.

ISABEL OLI

Si Isabel Oli ay sumikat matapos siyang madiskubre dahil sa isang TV commercial kung saan nakasama niya si Piolo Pascual. Nabigyan din siya ng ilang mga proyekto kung saan napamalas niya ang angking husay at galing niya sa pag-arte. Nang ikasal sila ng aktor na si John Prats ay pinili na niyang maging isang full time mom at misis para sa kaniyang pamilya. Sa ngayon ay patuloy pang lumalaki ang kanilang pamilya na talaga namang patuloy pa ring sinusuportahan ng maraming mga Pilipino at kanilang mga tagahanga.

NERI NAIG

Si Neri Naig ay isa ring mahusay na aktres ng kaniyang henerasyon. Nagpamalas rin siya ng pambihirang husay sa larangan ng pag-arte kung kaya naman hindi na nakapagtataka ang pagdagsa sa kaniya ng mga proyekto. Lumipas ang ilang taon ay napagdesisyunan niyang iwanan muna ang show business at ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Bumalik din naman siya agad sa pag-aartista nang makapagtapos siya ng pag-aaral ngunit ninais niyang iwanan itong muli nang magpakasal sila ni Chito Miranda ng Parokya ni Edgar. Sa ngayon ay mayroon na silang anak at isa na ring matagumpay na negosyante si Neri.

DONNA CRUZ

Hindi lamang mahusay na aktres si Donna Cruz dahil sa nakakamangha rin ang pambihirang galing niya sa pag-awit. Mula siya sa angkan ng mga Cruz sa showbiz na talaga namang kilala sa natatangi nilang kagandahan at kagwapuhan at sa kanilang pambihirang mga talento. Ngunit dumating rin sa punto ng kaniyang buhay na ninais niyang iwanan na ng tuluyan ang harapan ng kamera at magpokus na lamang sa kaniyang sariling pamilya. Sa ngayon ay masayang-masaya na siya sa piling ng mister niya na isang doktor kasama pa ang tatlo nilang mga anak.




error: Content is protected !!