Bayaning Pinay, iniligtas ang kaniyang mga alaga sa matinding pagsabog na nangyari sa Lebanon!



Hindi madali ang nararanasan natin sa ngayon na mga pagsubok, kalamidad, sakuna, at pandemya. Marahil ay maraming mga Pilipino ang nakapansin na kakapasok pa lamang ng taong 2020 ay napakarami nang mga bagay ang talagang namang gumimbal sa publiko.



Ngunit sa kabila ng napakaraming mga pagsubok na ito ay nananatiling positibo at matatag ang marami sa atin. Ilang araw pa lamang ang nakakalipas ay talaga namang nagulantang ang buong mundo sa napakalakas na pagsabog sa Beirut, Lebanon.

Napakaraming mga taong nasaktan at nasawi ayon na rin sa ilang mga ulat. Dahil sa pangyayaring ito ay hindi na nagdalawang-isip pa ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na isangkalan ang kaniyang sariling kaligtasan para sa kaniyang dalawang alagang bata.



Ang bayaning Pilipina ay nakilala bilang si Filipina Sulit Salvador. Nasa matinding panganib man ang buhay ng isang OFW na ito ay mas inuna pa rin niya ang kapakanan ng kaniyang alagang mga bata.

Ayon sa naging panayam sa kaniya ng “Dobol B sa News TV”, pinapakain niya ang kaniyang mga alaga nang bigla na lamang mangyari ang naturang pagsabog Martes ng gabi sa kanila. Mabilis ang naging pangyayari at nang pabagsak na ang “sliding door” nila sa kaniyang mga alaga ay agad niyang sinalo iyon upang sa kaniya na lamang tumama ang lahat ng bubog.


Kinailangan niyang itulak ang kaniyang mga alaga upang hindi sila masaktan pa. Noong una ay wala pa siyang nararamdamang sakit ngunit nakikita niya ang labis na pagdurugo ng kaniyang mga kamay na labis na napinsala.



Dagdag pa niya ay masakit din ang kaniyang likuran. Lumikas ang pamilya ng kaniyang amo kasama siya at kasalukuyan silang nasa bundok sa ngayon.

Umani naman ng napakaraming mga komento at reaksyon mula sa publiko ang ginawang kabayanihan na ito ni Salvador. Sa gitna man ng kaguluhan at panganib at patuloy pa ring nagkakaroon ng pagkakataon ang marami sa atin na maging mas matatag at magkaroon ng mas matinding pananampalataya sa Diyos.




error: Content is protected !!