Lumubog na bayan sa Nueva Ecija muli na namang lumutang matapos ang ilang taon?



Sa Nueva Ecija matatagpuan ang isang dam na kung tawagin ay “Pantabangan Dam”. Ayon sa ilang mga kwento ay taong 1970 nang malubog sa baha ang isang bayan dahil sa ginagawang dam ng mga panahong iyon.

Ibinahagi din ng “Explore Nueva Ecija” sa isa sa kanilang mga post sa social media na kinakailangang isakripisyo ng ilang mga residente ang kanilang tahanan at iba pang mga pagmamay-ari noon upang magbigay ng daan sa isa sa pinakamalaking dam na ginawa sa Timog Silangang Asya. Maayos namang nailikas ang mga naninirahan sa lugar na ito ngunit nanatiling nasa ilalim ng tubig ang alaala ng kanilang kinagisnang bayan.

Mayroong ilang mga ulat ang nagsasabing mula nang mangyari ito ay tanging ang krus na lamang ng isang simbahan doon ang nakita sa naturang bayan. Ngunit nito lamang Hulyo 24, 2020 ay nakuhanan ng isang netizen na nagngangalang Janet Marcon Tagle Calapan ang muling pagpapakita ng lumubog na bayan.



Talaga namang maraming mga netizens ang nagulat dahil sa natirang istruktura tulad na lamang ng lumang simbahan, entablado, at sementeryo. Inalala ng ilang mga residente noon ng lumubog na bayan ang mga lugar na kanilang kinalakihan, mga lugar na puno ng masasayang alaala ng kanilang kabataan at kamusmusan.



Mayroon din namang ilang mga netizens ang talagang namangha sa kasaysayang bumabalot sa naturang lugar. Ang ilang mga netizens ay natakot at tila hindi nais na magtungo sa lugar na ito dahil sa nakakapangilabot na hitsura nito.

Ngunit sa kabila ng iba’t-ibang komento ng publiko ay mas marami pa rin ang labis na nagpapasalamat dahil sa “Pantabangan Dam” ay nagkaroon ng wastong irigasyon at kuryente ang kanilang bayan. Bukod pa rito ay naging maunlad din ang kanilang turismo dahil sa mga “water sports activities” tulad na lamang ng Jet Skiing, Kayaking, Bamboo Rafting, Banana Boat at Fly Fish na maaaring gawin dito.




error: Content is protected !!