Daang-daang mga tao ngayon sa Estados Unidos ang nakakatanggap ng mga misteryosong padala galing diumano sa Tsina. Ayon sa ilang mga ulat ay may laman ang mga ito na misteryosong mga buto.
Ngunit sa mismong lalagyan ay “singsing”, “hikaw”, at iba pang mga alahas ang nakadeklarang laman ng mga padalang ito. Agad namang pinaalalahanan ng pamahalaan ang publiko na huwag nang buksan pa ang ganitong klase ng mga padala.
Ipinagbabawal din nilang itanim at palakihin ng kahit sinong mamamayan ang mga nasabing buto sa padalang ito. Ang nga nakatanggap ng mga padala mula sa Tsina na hindi naman talaga nila binili o inorder ay kinakailangang i-report ito sa kinauukulan at ibigay ang naturang package sa kanila.
Si Doyle Crenshawn ang isa sa mga nakatanggap ng misteryosong padala na ito. Batid niya ang paalala ng gobyerno patungkol sa mga balitang kumakalat ngayon sa kanilang lugar ngunit talagang nais niyang malaman ang katotohanan sa likod ng mga misteryosong padala na ito.
Nais niyang makita kung ano nga ba talaga ang magiging bunga ng mga buto na ito kapag naitanim at naalagaan sila ng maayos. Kung kaya naman wala nang nakapigil pa sa kaniyang itanim ang mga buto na ito sa kaniyang bakuran.
Binilhan pa niya ang mga ito nang pataba o fertilizer kung kaya naman laking tuwa niya nang makalipas ang ilang mga araw ay sumibol ang mga bulaklak nito at nakakita na siya ng lumalaking bunga. Tila ba kalabasa ang naging bunga ng mga buto na ito.
Ibinahagi pa nga ni Doyle sa kaniyang social media account ang kinalabasan ng ginawa niyang pagtatanim. Maraming mga netizens ang humanga ngunit marami din ang nag-alala dahil sa maaaring maging panganib na dulot nito sa taong kakain ng naturang “kalabasa”.
Nakarating din naman ang balitang ito sa kaalaman ng US Department of Agriculture at agad nilang pinadalhan ng mensahe si Doyle na bibisita sila sa kaniyang tahanan upang magsagawa roon ng ilang tests upang malaman ang tunay na specie ng naturang bunga.
Ayon pa sa ahensya, maaaring “brushing scam” ang mga buto na ito mula sa Tsina na kadalasang ginagawa upang magkaroon ng mga “fake reviews” sa ilang mga produkto ng ilang mga online shop doon.