Hospital bill ng isang COVID-19 positive umabot ng halos Php576,000!



Sa panahon natin ngayon, hindi madali ang magkasakit. Tila ba isang bahing o ubo mo lamang ay kakabahan ka na hindi lamang para sa iyong kapakanan kung hindi maging sa kaligtasan din ng iyong mga mahal sa buhay.


Hindi naman na lingid sa kaalaman natin ang patuloy na pagtaas ng mga positibong kaso ng COVID-19 sa maraming mga lugar sa Pilipinas at maging sa buong mundo. Hindi madali ang pinagdaraanan ng bawat isa sa atin ngayon ngunit mas mahirap ang kalagayan ng mga taong nahawa at nakikipaglaban ngayon sa pandemyang ito.


Kamakailan lamang ay naging usap-usapan rin sa social media ang post ni Christian Albert Gaza kung saan ibinahagi nito ang larawan ng hospital bill ng isang taong nagpositibo sa naturang sakit. Ayon sa kaniyang naging pahayag sa kaniyang viral post ay umabot ng halos Php576,000 ang bayarin sa ospital ng nanay ng kaniyang dating kasintahan na kaniyang tinulungan dahil sa tinulungan din naman siya ng pamilyang ito noong mga panahon na walang-wala siya.

Ang halagang iyon ay sampung araw lamang sa isang pribadong ospital! Aminado si Gaza na kahit pa isa siyang milyonaryo at marami siyang pera ay kinakailangan pa rin nilang maghintay at pumila sa loob ng 36 oras para matugunan ang kanilang pasyente.


Nakasaad sa larawan ng hospital bill na kaniyang ibinahagi ang halaga ng bawat aparato, proseso at bagay na kinailangang gawin ng pasyente para lamang matugunan ang kaniyang napakahirap na pinagdaraanan dahil sa COVID-19. Nagpaalala din naman si Gaza na hindi dapat tayo magpakakampante dahil kahit pa nga mayroon tayong kaunting ipon ay tiyak na uubusin din ito ng sakit na ito.



Kung kaya naman dapat ay mas maingat tayo lalo na sa ngayon na pataas nang pataas pa rin ang positive cases ng COVID-19 sa bansa. Kasabay pa nito ang patuloy na pagbagsak ng ekonomiya na magiging dahilan din ng kawalan ng trabaho ng mas marami pang mga Pilipino.





error: Content is protected !!