OFW sa Hong Kong nakapagpundar na ng bahay at lupa, sasakyan at negosyo sa loob lamang ng apat na taon!



Mahirap ang buhay, totoo ang mga katagang ito at marami sa atin ang talagang nakakaranas nito hanggang sa ngayon. Ngunit sabi nga ng maraming nakatatanda, hindi mo kasalanan kung isinilang kang mahirap ngunit kapag pumanaw ka ng mahirap ay talagang kasalanan mo na ito.



Ito ay nagpapatunay lamang na nasa iyo pa rin ang desisyon kung magsusumikap ka sa buhay o hahayaan mo na lamang na masadlak ka sa pagsubok at kahirapan na nararanasan mo sa ngayon. Marahil marami sa ating mga Pilipino ang makakapulot ng aral sa kwento ng tagumpay ni Merry Rose Molo Tumonog na isang “Overseas Filipino Worker” sa Hong Kong nang halos apat na taon na.

Isa siya sa mga mapapalad na “domestic helper” sa Hong Kong na nakatagpo ng mababait na mga amo. Ayon sa kaniyang viral post ay madalas siyang sinasama ng kaniyang mga amo sa kanilang mga pamamasyal sa iba’t-ibang bansa tulad na lamang sa Canada, Thailand, Macau, at marami pang iba.


Sa ilang taong pagtatrabaho niya sa ibang bansa ay nakapagpundar na siya ng ilang mga aria-arian tulad na lamang ng bahay at lupa, motor, tricycle, at negosyo sa dagat. Talaga namang nakakamangha ang kaniyang nakamit na tagumpay dahil sa kaniyang pagpapagal at pagsusumikap sa buhay mula pa noong bata siya.



Dahil na rin sa lumaki siya sa mahirap na pamilya kung kaya naman tumatak sa kaniyang puso at isipan ang pagnanais na umahon sa kahirapan kahit pa nga ayaw siyang pag-aralin sa kolehiyo ng kaniyang ama. Ang kaniyang ama ay isang tricycle driver habang ang kaniyang ina naman ang namamahala sa maliit na pwesto sa palengke ng kaniyang lola.


Napagkakasya nila ang maliit na kita ng kaniyang mga magulang sa kanilang 12 magkakapatid at nakapagtapos pa nga ang ilan sa kaniyang mga kapatid sa kolehiyo. Hindi niya hinayaang maging balakid ang mga naranasan niyang iyon upang hindi siya mangarap sa buhay.

Sa edad na 21 taong gulang ay sumabak na siya sa ibang bansa upang magtrabaho. Mula sa Jordan ay nakarating pa siya ng Kuwait at Cambodia. Hindi naging madali ang kaniyang pinagdaanan ngunit sa ngayon ay masayang masaya na siya dahil sa natulungan na niya ang kaniyang ina sa mga utang nito at nakapagpundar na rin siya para sa sarili niyang pamilya.




error: Content is protected !!