Mga pulis na taga-Bulacan niregaluhan ng bagong bisikleta ang isang security guard na kiddie bike lang ang gamit pagpasok sa trabaho!



Sa panahon ng kahirapan at pagsubok sa ngayon ay nakakatuwa pa ring malaman na mayroon pa rin pa lang mga tao na mayroong busilak na puso para tumulong sa maraming mga nangangailangan. Maaaring mahirap ang buhay ng marami sa atin sa ngayon, sapat lamang ang kinikita sa pang-araw araw na pangkain at gastusin ng pamilya.

Ngunit hindi pa rin nawawala ang kagustuhan ng marami sa ating makatulong sa mga taong nangangailangan. Sa katunayan nga ay kamakailan nang regaluhan ng isang grupo ng mga pulis mula sa Santa Maria, Bulacan ang mapalad na security guard na ito ng isang bagong mountain bike.

Ang gwardiya ay nakilala bilang si Victor de Guzman na tulad nang marami sa atin ay nais ding makatipid sa pamasahe lalo na sa ngayong panahon ng pandemya kung kaya naman nagbibisikleta siya patungo sa kaniyang trabaho araw-araw. Halos 10 kilometro araw-araw ang kaniyang binabiyahe para lamang makarating sa kaniyang pinagtatrabahuhan.




Ang grupo ng mga pulis na ito ay pinangunahan ni Police Staff Sergeant Melvin Rogero. Ayon sa naging pahayag niya ay madalas nilang makita sa checkpoint si Victor gamit ang kanyang munting bisikleta sa Brgy. Pulong Buhangin, Santa Maria Bulacan.

Dahil sa dedikasyon at kasipagan niya ay napagdesisyunan ng mga pulis na mag-ambagan ng pangbili ng bagong mountain bike para kay Victor. Ibinahagi naman ng Santa Maria PS sa social media ang kabutihang-loob ng mga pulis na ito.


Mayroon itong caption na “The desire to help others is not necessarily incompatible with the desire to help oneself.” Umani ng maraming mga papuri mula sa publiko ang ginawang ito ng mga pulis.

Tunay nga na ang pagtulong sa ating kapwa ang isa sa pinakamabuting bagay na magagawa natin ano man ang ating propesyon sa buhay. Mayroon ding ilang mga netizens na nagkomento na talagang nirerespeto at ginagalang ang kapulisan sa bayan ng Santa Maria dahil sa pagiging mabuting tao ng mga ito. Itinuturing din silang tunay na bayani ng bayan.




error: Content is protected !!