Babaeng huminto sa pagmamaneho upang pulutin at iligtas ang isang kuting, umani ng papuri sa social media!



Marami sa ating mga Pilipino ang “certified animal lovers”. Hindi natin maipagkakailang mayroon tayong malambot na puso pagdating sa mga hayop. Kung sa ibang bansa ay walang awang kinikitil ang buhay ng ilang mga hayop para makagawa ng ilang mga bag o kagamitan, o di kaya naman ay ginagawang pagkain, dito sa Pilipinas ay tila ba napakahirap nitong sikmurain.



Isang insidente ang muli na namang nagpatunay na marami pa rin sa atin ang nagmamalasakit sa mga hayop lalo na sa mga hayop na nakatira lamang sa lansangan. Isang babaeng nagmamaneho kasi ang huminto sa kalagitnaan ng pagmamaneho nito dahil sa nakakita ito ng maliit na kuting sa daan.

Natakot itong makalmot ng kuting kung kaya naman hinubad na lamang niya ang kaniyang tsinelas at kaniya itong ginamit upang mabuhat at maibalik ang kawawang kuting sa kaniyang ina at mga kapatid na nasa gilid lamang pala ng kalsada. Ang naturang babae ay nakilala bilang si Starr Reyes.


Ang kaibigan niyang si Sheena Mae Salubre Forones ang kumuha ng kaniyang larawan at ibinahagi niya ito sa social media. Ayon sa kaniyang pagsasalaysay ay nakisakay siya noon sa kotse ng kaniyang kaibigan nang bigla na lamang itong huminto at bumaba ng sasakyan sa kalagitnaan ng highway ng Silway, General Santos City.


Nagulat siyang makita ang kaibigan na binubuhat ang kuting at ibinabalik sa mas ligtas na lugar. Ayon pa sa ilang mga ulat, hindi lamang pala mabuting Samaritano itong si Starr dahil sa isa rin siyang ulirang may bahay at negosyante.

Maliban pa rito ay isa rin siyang social media influencer at mayroon siyang Facebook page na “Kurdapya Atyourservice”. Isa sa pinakapatok niyang video ay ang nakakatawang “big mouth filter” na talagang kinagiliwan ng maraming mga netizens.



Sa ngayon ay tinagurian siya bilang “influencer with a heart”. Tunay nga na mas nagbigay inspirasyon siya sa publiko upang magmalasakit at magmahal sa mga inosenteng hayop sa ating paligid.




error: Content is protected !!