Unggoy, nag-selfie gamit ang cellphone na kinuha niya sa isang natutulog na lalaki!



Sa Pilipinas, hindi madalas makita ang mga unggoy lalo na sa mga siyudad ngunit minsan ay mayroong pailan-ilan na namamataan sa mga probinsya lalong lalo na sa mga bulubundukin o liblib na lugar. Kamakailan lamang ay naging usap-usapan sa social media ang isang unggoy na ito dahil sa nakakatawang mga selfies nito na kuha sa cellphone ng isang lalaking natutulog!



Hindi makapaniwala ang maraming mga netizens dahil sa mga nakakatuwang kuha ng unggoy na ito. Sino ba naman kasi ang mag-aakalang kukuhanin nito ang cellphone ng isang natutulog na lalaki, dadalhin sa gubat at doon pakikialamanan?

Ibinahagi ng Twitter user na si “Zackrydz” ang naging pambihirang karanasan niya noong Setyembre 13 kung kailan bigla na lamang nawala ang kaniyang cellphone habang siya ay natutulog. Nang magising siya ay agad niya itong hinanap ngunit hindi niya ito makita kahit anong gawin niyang paghalughog sa kanilang bahay.


Tinulungan na rin siya ng kaniyang kapatid sa paghahanap ngunit wala talaga silang makita. Nakakapagtaka rin na wala namang tanda o senyales na mayroong nagnakaw sa loob ng kanilang bahay upang bigla na lamang mawala ang kaniyang gadget.



Naisipan ng magkapatid na gamitin ang isang app upang mahanap ang cellphone ngunit wala rin nangyari. Nagulat na lamang sila dahil sa ang naka-link na online account niya ay nagpapakita ng ilang mga larawan ng salarin na kumuha ng cellphone niya.


Mga larawan ng isang unggoy ang nakita nila na talaga namang nagdulot ng kasiyahan sa kanila. Hindi man naibalik sa kaniya ang kaniyang cellphone ay kahit papaano ay batid na niya kung sino ang kumuha nito habang siya ay mahimbing na natutulog.

Tunay nga na sa kabila ng mga mahihirap na pagsubok na kinakaharap natin sa araw-araw ay marami pa ring mga kakaiba at nakakatuwang bagay ang nangyayari na nakapagdudulot sa atin ng wagas na kaligayahan at kagalakan.




error: Content is protected !!