Naalala n’yo pa ba ang BFF ni Shan Cai noon sa Meteor Garden na si Xiao Yu? Ito na pala siya ngayon!



Halos 19 na taon na rin ang nakaraan mula nang mapanuod sa Pilipinas ang sikat na Taiwanese dramang Meteor Garden. Ito ay pinagbibidahan nina Barbie Hsu, Jerry Yan, Vic Chou, Vanness Wu at Ken Chu.

Talaga namang hinangaan ng publiko ang napakahusay na pagganap ng mga sikat na aktres at aktor na ito. Hindi na rin nakapagtatakang mula noon ay mas marami pang napamahal sa karakter nina Shan Cai, Dao Ming Si, at Huaze Lei.



Siyempre hindi rin mawawala ang mga karakter na sumuporta sa kanila na sina Mei Zuo, Xi Men, at Xiao Yu na matalik na kaibigan ni Shan Cai sa naturang programa. Kamakailan lamang ay naging usap-usapan sa social media ang Taiwanese actress, singer at host na si Rainie Yang o mas nakilala natin bilang si Xiao Yu.



Hindi man siya masyadong nabigyan ng pansin dahil sa supporting role lamang siya ng karakter ni Barbie Hsu ay marami pa rin ang natuwa, bumilib at nagmahal sa kaniya. Sa ngayon ay 36 na taong gulang na siya.


Ikinasal na rin siya noong 2019 sa kaniyang nobyong si Li Ronghao na isang Chinese singer-songwriter, aktor at prodyuser. Lingid sa kaalaman ng marami ngunit isa palang sikat na personalidad sa Taiwan si Rainie.


Sa katunayan ay marami na siyang naging album mula noong 2005 at ang pinakabago niyang album ay inilabas noong Nobyembre 2019 na mayroong titulong “Delete Reset Grow”. Naging miyembro din siya ng isang banda noon ngunit naipagpatuloy at nagtagumpay siya sa kaniyang karera sa pagkanta maliban sa kaniyang pagiging mahusay na aktres.

Nakatanggap na rin siya ng iba’t-ibang mga pagkilala dahil sa kaniyang mahusay na pag-arte at pag-awit. Talaga namang hanggang sa ngayon ay sikat na sikat at hinahangaan pa rin siya sa Taiwan.

Maaaring ilang dekada na rin ang nakalilipas mula nang mapanuod natin ang sikat nilang programa ngunit tila ba hindi pa rin nawawala ang kilig at kaligayahang nararamdaman natin dahil minsan sa ating buhay ay nabaliw tayong manuod ng isang pambihirang palabas na mayroong pambihirang kwento.




error: Content is protected !!