Isang Pilipinong janitor noon sa Australia, nagsumikap sa buhay at ngayon ay isa nang “restaurant owner” sa edad na 25 taong gulang!



Isang Pinoy sa Australia ang pinalad na maging isang “restaurant owner” sa edad na 25 taong gulang. Dati nang janitor si John Andrew Dangca, 19 taong gulang pa lamang siya nang tulungan siya ng kanilang mga kamag-anak na makarating sa Australia at doon magtrabaho.



Maliban sa pagiging isang janitor ay hindi rin niya inayawan ang “cleaning jobs” sa ilang mga hotel, mall, bahay, at opisina para lamang kumita pa ng “extra”. Nagpapadala din kasi siya sa kaniyang pamilya dito sa Pilipinas kung kaya naman kailangang magdoble-kayod siya.

Nang sa wakas ay matanggap na niya ang kaniyang diploma ay sinubukan niyang mag-apply at magtrabaho bilang isang “assistant” sa isang “aged care facility” habang nagtatrabaho din siya bilang janitor.



“Maraming mga pagsubok katulad no’ng nakakatulog po ako doon sa train station. Dire-diretso po ako no’n papunta sa kabilang trabaho, ganyan. Sa bus, nakakatulog po. Parang doon na rin po ako nakakapagpahinga,” Pagbabahagi ni John Andrew sa naging panayam sa kaniya ng GMA news.



Hindi nagtagal ay nadala na rin niya ang buong pamilya niya sa Australia. Taong 2020 ay nakapag-ipon na siya ng sapat na puhunan upang simulan ang kaniyang Filipino restaurant business sa Canberra na tinawag niyang “Salu-salo”.

Talaga namang napakagandang inspirasyon niya sa maraming mga Pilipino na nagbabakasali ring maiangat ang kanilang buhay at matulungan ang kanilang pamilya. Pinatunayan din niyang hindi hadlang ang kahirapan, edad, at edukasyon upang hindi mo maabot ang iyong pangarap lalo na kung ikaw ay determinado at talagang nagsusumikap.

Maraming mga netizens ang hindi na napigilan pang mag-komento at mag-react sa naging tagumpay na ito ni John Andrew. Tiyak na mas marami pang mga mahihirap na Pilipino ang magkakaroon ng pag-asa at inspirasyon upang magpatuloy sa pag-abot ng kanilang mga pangarap kahit gaano pa kahirap ng kanilang pinagdaraanan sa ngayon.

Hindi na nakapagtataka na inaani na ni John Andrew ngayon ang kaniyang pinagpagalan noon.

Source: GMANetwork




error: Content is protected !!