Anim na pagkaing pampapayat ayon kay Doc Willie Ong!



Malapit na naman ang holiday season sa bansa at talaga namang kabi-kabila na naman ang mga handaan at salo-salo. Matagal natin itong hinintay na sa wakas ay makapagdiwang tayo ng kapaskuhan kasama ang ating mga mahal sa buhay buhat nang magkaroon na ng bakuna kontra COVID-19. Ngunit tila mas nanganganib ang ating mga timbang sa dami ng masasarap na pagkaing ihahain sa Pasko at Bagong Taon. Upang maiwasan ang labis na pagtaba, narito ang karagdagang anim na masusustansiya at pagkaing pampapayat bukod pa sa gulay, suha, mansanas, peras, itlog at saging.

1. BEANS – Ang beans ay maraming sangkap na fiber, iron, folic acid, magnesium, phosphorus, potassium at thiamine at madalas itong makikita sa mga pagkain tulad ng monggo beans, red beans at black beans. Ang beans ay mababa rin sa kolesterol at asin kung kaya naman talagang nakabubuti ito sa ating katawan. Ang pagkain ng kalahating tasa ng beans bawat araw ay maaaring makatulong upang mapababa ang ating kolesterol, blood sugar, at timbang. Marami sa atin ang hindi naman allergic sa beans ngunit kung ikaw ay mayroong mataas na uric acid sa dugo ay mas mabuting huwag na lamang kumain ng mga nabanggit dahil mas makakasama ito sa iyong katawan.


2. SUKA — Ayon naman kay Dr. Elin Ostman ng Lund University, ang pagkain pala ng tinapay kasama ang 2 kutsaritang sukang puti ay nakapagpapababa ng blood sugar at ng timbang ng isang indibidwal. Ayon naman kay Dr. D. C. Jarvis ay nakapapayat ang pag-inom ng 1 basong tubig na hinaluan ng 2 kutsaritang suka, bago mag-tanghalian at mag-hapunan. Ngunit kung ikaw ay may ulcer o hyper-acidity, mas mabuting umiwas na lamang sa suka dahil mas makapagpapalala ito ng inyong sitwasyon.


3. TOKWA O TOFU — Marami ang hindi nakakaalam na ang protina sa tokwa o tofu ay nakapagpapawala ng gana natin sa pagkain. At ito ay napatunayan na ng mga researchers sa Louisiana State University. Kung kaya naman kung ikaw ay mahilig sa baboy o baka, maaari mo ring subukan paminsan-minsan ang pagkain ng tokwa. Pareho naman itong may protina na kailangan ng katawan. Mayaman din ito sa calcium, iron, zinc, magnesium, B vitamins, omega-3 fatty acids at fiber. Kaya naman makabubuti ito sa ating puso at buto.


4. GREEN TEA — Ang Catechins ay isang antioxidant na makatutulong sa pagpapapayat at mayaman ang green dito. Ayon sa pagsusuri sa Japan, ang mga taong uminom ng green tea at oolong tea ay mas nagiging mapayat at mas bumababa din ang bad cholesterol. Ayon pa kay Dr. Kevin C. Maki, “Ang catechins ay nagpapabilis sa ating metabolism at nakapagtutunaw ng taba sa atay.” Para sa mga taong may fatty liver, posibleng makatulong ang green tea.


5. BROWN RICE AT WHEAT BREAD — Alam ba ninyon na ayon sa Harvard School of Public Health, ang pagkain ng brown rice at wheat bread ay makapi¬pigil sa pagkakaroon ng diabetes ng hanggang 36%? Ito ang naging resulta ng kanilang pag-aaral kung saan nag-analisa sila ng 200,000 katao sa loob ng 22 taon. Maganda rin sa ating katawan ang brown rice at wheat bread dahil sa makababawas din ito sa ating timbang at sa kolesterol. Tandaan na dapat maging maingat sa paglipat sa brown rice dahil maaari itong magdulot ng pagtatae.


6. HIGH-FIBER CEREAL — Mas nakakabusog at mas masustansiya talaga ang pagakin ng cereal na mayroong mataas na fiber content. Ito ay ayon sa mga researchers ng VA Medical Center. Kung kaya naman sa tuwing bibili kayo ng cereals o tinapay ay ugalin na ninyong hanapin ang mga salitang “whole wheat” at “whole grains” sa mga pakete.


Tunay nga na napakasarap kumain lalo na ngayong holiday season kasama ang ating mga mahal sa buhay. Ngunit huwag natin dapat kalimutan na mahalaga ding pagtuunan ng pansin ang ating pangangatawan at ang ating kalusugan.




error: Content is protected !!