Magkapatid na namamalimos sa overpass at may suot pang plastic, umantig sa puso ng publiko!



Hindi na bago sa maraming mga Pilipino ang makakita ng mga taong palaboy sa lansangan o di kaya naman ay mga batang namamalimos sa bangketa. Napakahirap makakita ng ganito lalo na para sa mga batang musmos na dapat sana ay nasa loob lamang ng kanilang tahanan, nag-aaral, naglalaro at namamahinga.

Kamakailan lamang ay maraming mga netizens ang naantig sa post na ito ni Pearl Jhene David. Mayroon siyang nadaanan na dalawang bata sa isang overpass sa San Matias.

Ito ay malapit sa SM at Robinson Starmalls. Hindi raw napigilan ni Pearl na mahabag sa dalawang bata dahil sa kanilang kalagayan.

Nakita niya ang mga ito na nakaupo at nakahiga sa malamig na sahig gamit lamang ay plastic sa kanilang katawan upang kahit papaano ay mabawasan ang lamig na kanilang nararamdaman. Tinanong din ni Pearl ang pangalan ng mga batang kaniyang nakita. Sila ay sina Aldin at Santino.

Ayon kay Aldin ay namamalimos sila sa overpass habang ang kanilang ina ay nangangalakal. Mayroon ding dalang sampaguita ng bata upang makapagbenta siya nito habang sila ay namamalimos.

Kailangan nilang gawin ito dahil ang kaniyang kapatid na si Santino na kasama niya ay mayroong sakit sa kidney kung kaya naman kailangan din nila itong ibili ng gamot. Kasalukuyan ding nilalagnat si Santino ng mga oras na iyon kung kaya naman talagang napakahirap ng kanilang sitwasyon.

Dahil sa sobrang awa ni Pearl sa mga bata ay naisip niyang kuhanan ng larawan ang mga ito at ibahagi ang kanilang kwento sa social media sa pagbabakasakali na mayroong tutulong sa kanila. Iniwanan din niya ang kaniyang numero sa mga bata upang magkaroon sila ng komunikasyon kung sakaling may mag-abot ng tulong sa mga ito.

Sadyang mahirap ang buhay natin ngayon, hindi lamang dahil sa pandemya at mga kalamidad na ating nararanasan kundi dahil na rin sa mahinang ekonomiya at marahil ay hindi rin nabibigyan ng wastong atensyon ang pagtulong sa mga taong ito.