Sa panahon natin ngayon, talaga namang nakahirap nang walang trabaho. Gustuhin mang magtrabaho ng karamihan sa atin ngunit nakatali ang ating mga kamay at paa dahil sa panganib na dulot ng pandemya.
Ito rin ang naging dahilan upang magsara ang maraming mga establisyemento at upang mawalan ng trabaho ang maraming mga manggagawa. Talaga namang nawawalan na ng pag-asa ang nakararami sa atin na magbabago pa ang sitwasyon natin sa ngayon.
Hanggang sa mga oras kasi na ito ay patuloy pa rin sa pagdami ang mga taong nagpopositibo sa COVID-19. Marami na ring mga mutations ang nagsisilabasan, nagiging mas malakas at mas madaling makahawa sa mga tao.
Sa kabila nito ay nagsusumikap pa rin ang marami sa atin na maging matatag at magpatuloy sa buhay. Buti na lamang at kahit papaano ay mayroon pa ring iilang mga negosyante ang pinipilit na bumangon hindi lamang para sa kanilang kabuhayan kundi para na rin sa kanilang mga empleyadong umaasa sa kanila.
Kamakailan lamang ay nagbigay ng pag-asa at inspirasyon sa publiko ang naging karanasan ng mga crew na ito ng The Starving Artist Restaurant. Ayon sa owner na si Arnold Teixeira, matagal na nilang suki ang kostumer nilang ito mula noong taong 2001.
Isang araw ay kumain itong muli sa kanilang restaurant kasama ang kaniyang pamilya. Ang kanilang nakain ay nagkakahalaga lamang ng $43.18 ngunit ang tip na ibinigay nito sa kanila ay $1000 o katumbas ng Php50,000!
Mayroon ding iniwanan na mensahe ang mabuting Samaritanong ito at sinabing “Thank you so much for working through this tough time,” Talaga namang hindi sila makapaniwala sa pangyayaring ito ngunit labis labis din naman ang pasasalamat ng mga crew dahil sa pagmamalasakit na ito ng kanilang kostumer.
Laking pasasalamat din nila dahil sa kabila ng mabigat at mahirap na pinagdaraanan nating lahat ngayon ay mayroon pa ring mga mabubuting tao na nagbibigay ng pag-asa at inspirasyon sa kanila.