Ibinahagi ni Heart Evangelista kung bakit siya naliligayahan at natutuwa sa kaniyang buhay sa probinsiya ng Sorsogon



Si Heart Evangelista o kilala rin bilang si Love Marie Payawal Ongpauco-Escudero ay kilala bilang isang sikat na personalidad sa industriya ng show business. Sa ngayon ay bumibiyahe siya papasok at palabas ng Sorsogon lalo na sa ngayon na ang kaniyang mister na si Francis “Chiz” Escudero ay nahalal bilang gobernador ng nasabing bayan. Ang dating senador ay nanalo sa kaniyang pagtakbo bilang gobernador ng Sorsogon sa katatapos lamang na mid-term election. Ang 34 na taong gulang na aktres ay talaga namang kinagigiliwan na ang simple at napakatahimik na probinsiya ng Sorsogon.


Sa naging panayam ng PEP.ph o ang “Philippine Entertainment Portal” kay Heart Evangelista na noon ay dumalo sa pagbubukas ng “Kamiseta pop-up store” sa Uptown Mall, BGC, Taguig City, nagbahagi siya ng ilang mga bagay na kaniyang ginagawa sa tuwing bibisita siya sa Sorsogon.



Saad ng aktres ay masaya naman ang kaniyang buhay sa Sorsogon, hectic na maituturing ngunit “fulfilling” pa rin naman. Tinanong din siya tungkol sa kaniyang mga proyekto at gampanin bilang isang first lady ng probinsiya at kung anong tulong ang ginagawa niya para sa mister na si Chiz, pinahayag nito na ang kaniyang plano para sa pagpapatayo ng mga animal shelter sa kanilang bayan ay nasa proseso pa din.



Bagamat mayroon na silang ilang mga lokasyon na pinapipilian, pinag-iisipan pa rin nila ang pinakamainam na lokasyon para sa shelter na itatayo. Dagdag pa niya ay sinisigurado niyang lahat ng kaniyang mga desisyon ay tama dahil sa hindi lamang ito isang gawaing pang-gobyerno para sa kaniya ngunit itinuturing niya rin itong personal na proyekto.


Bukod pa nga sa mga proyekto para sa mga animal shelter ay mayroon pa siyang ilang proyekto para sa mga ospital at sa edukasyon ng mga “special children”. Ikinuwento din naman niya na mas marami siyang ginugugol na oras sa Sorsogon kaysa sa Maynila at talagang nasisiyahan siya sa paninirahan dito dahil sa narerelax din siya rito.




error: Content is protected !!