Magkasintahan noon na LDR, mag-asawa na ngayon! Unang nagkakilala dahil lamang sa pag-“wave” sa Messenger!



Sadyang maraming paraan ang tadhana kung paano makikita ng isang tao ang taong itinadhana para sa kaniya. Maaaring sa iilan ay tipikal na magkaibigan lamang sila sa umpisa ngunit kalaunan ay naging magkasintahan na at nauwi na rin sa kasalan. Mayroon din namang ibang mga tao na unang nagkakilala sa paaralan, sa kanilang mga pinagtatrabahuhan o di kaya naman ay dahil sa kanilang mga kakilala o kaibigan. Ngunit kakaiba ang love story ng mag-asawang ito.



Kamakailan lamang ay ibinahagi sa social media ng misis na si Kate Garcia-Axalan ang naging unang pagkakataon na magkakilala sila ng kaniyang mister na ngayon na si Gian Arlo Axalan. Ang kanilang matamis na pagtitinginan pala ay nagsimula sa simpleng kaway o “wave” lamang sa Messenger.


Ito ay naganap noong ika-6 ng Disyembre taong 2017. Nagpadala ng “wave” message si Gian kay Kate. Noong una ay nagtanong muna si Kate kung magkakilala ba sila. Ngunit agad namang ipinaliwanag ni Gian na nakita lamang niya ang profile ni Kate sa kaniyang news feed kung kaya naman ninais nitong makipagkilala at makipagkaibigan sa kaniya.


Ang kanilang pagkakaibigan ay nauwi na nga sa matamis na pagtitinginan makalipas pa ang ilang mga buwan. Hindi ito naging madali para sa kanila dahil sa nakatira sa Italya si Gian habang nasa Pilipinas naman si Kate. Kahit pa naging hadlang ang distansya sa kanilang pagmamahal ay patuloy na nagmahalan at nagpakatatag ang dalawa. Mayo 2018 nang sa wakas ay magkita at magkasama na ang dalawa. Hunyo 22, 2018 naman nang mag-alok na ng kasal si Gian na agad namang sinagot ng matamis na “Oo” ni Kate.


Matapos nito ay kinailangan nang magbalik ni Gian sa Italya at manatili pa roon ng 17 mga buwan. Sa kabila ng lahat ng kanilang pinagdaanan at sa kabila ng maraming mga hadlang ay ikinasal na sila noong Disyembre 6, 2019, dalawang taon makalipas ang pag-“wave” ni Gian kay Kate.






error: Content is protected !!