Hungry Syrian Wanderer niregaluhan ng sari-sari store ang 75-anyos na “padyak” driver!



Isang mapagbigay at matulungin na vlogger ang nagregalo ng isang sari-sari store sa 75 taong gulang na padyak driver upang makapagretiro na ito. Ang naturang vlogger ay nakilala bilang si Basel Manadil o ang “Hungry Syrian Wanderer” na nakilala ng publiko dahil sa kaniyang kabaitan at pagkakawang-gawa lalo na sa mga taong nangangailangan. At isa na namang buhay ang nabigyan nito ng pagpapala dahil sa tinulungan nitong “padyak driver” kamakailan lamang.



Sa kaniyang pinakabagong vlog ay ibinahagi niya ang naging sorpresa niya sa isang 75 taong gulang na matanda na niregaluhan niya ng sarili nitong sari-sari store upang makapanatili na lamang ito sa kanilang tahanan at hindi na magtrabaho pa araw-araw.


Ayon sa sikat na vlogger, ang matandang karapat-dapat bigyan ng tulong ay walang iba kundi si Lolo Fernando mula sa Quadra, Cavite City. Ang bahay ng matanda ay matatagpuan sa mismong taas ng tubigan sa bandang Bacoor na karugtong ng Manila Bay.


Siya ang lolo na padyak driver na nag-viral sa social media dahil sa pagrereklamo ng mga pasahero nito na sadyang mabagal na siyang magmaneho ng padyak. Bukod sa tulong-pangkabuhayan na ito ay binigyan din ni Basel ng pambiling gamot ang matanda at dinala rin niya ito sa isang fast-food chain upang kumain.



Unang beses kumain ni Lolo Fernando sa fast-food chain na ito kung kaya naman masayang-masaya siya talaga. Pinuri din naman ni Basel kung gaano naging matulungin ang mga kapitbahay ng matanda na tinulungan pa ang kaniyang grupo na magbuhat ng mga paninda at gamit para sa bagong sari-sari store ni Lolo Fernando.

Talaga namang hinangaan ng publiko ang pagtulong na ginawa ng vlogger sa matandang ito na sa kabila ng kaniyang edad ay walang sawa at walang kapaguran pa ring nagbabanat ng buto para sa kaniyang sarili at lalo’t higit para sa kaniyang mahal na pamilya.



Tunay nga na hindi hadlang ang anumang bagay kung nais mo talagang suportahan ang iyong mga minamahal at lalo’t higit na wala ring makahihigit sa taong nagnanais tumulong sa kaniyang kapwa kahit pa wala itong hinihintay na kapalit.




error: Content is protected !!