Magsasakang miyembro ng 4Ps nagpatunay kung paano nakakatulong sa kaniyang pamilya ang programang ito ng gobyerno!



Hindi na lingid sa kaalaman ng maraming mga Pilipino ang mainit na usapan ngayon sa social media at maging sa telebisyon at radyo patungkol sa ginagawang pagwawaldas ng ilang mga taong nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa gobyerno o ayuda. Ang ilan sa mga ito ay miyembro pa ng 4Ps o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na naglalayon na masuportahan at mabigyan ng tulong pinansiyal ng pamahalaan upang maging tugon sa pangangailangan ng mga mahihirap na pamilyang ito.


Ngunit nakakalungkot lamang malaman na ang ilan sa kanilang mga miyembro ay basta basta na lamang ito winawaldas ng ganun ganun na lamang at hindi pinapahalagahan. Mayroon pa ngang iba na gagawin pa itong puhunan o kapital sa mga hindi kanais-nais na gawain.




Kamakailan lamang ay isang magsasaka ang nagpatunay na hindi lahat ng mga taong natutulungan ng gobyerno ay hindi nagpapahalaga sa biyayang ito na mula sa buwis ng maraming mga manggagawang Pilipino. Buong pusong ipinahayag ng netizen na si Marvin Arnoza ang naging tulong sa kaniya ng naturang programa upang makamtan niya ang tagumpay para sa kaniyang pangarap at para na rin sa kaniyang buong pamilya.

Ayon sa kaniyang post bilang isang miyembro ng 4Ps ay mas nagsumikap pa siya at ang kaniyang pamilya sa kanilang buhay. Bukod sa pagiging isang magsasaka ay nagkokopra din ang mga ito.
Hindi man nagiging sapat sa pang-araw araw ang kanilang kinikita at hindi sila nakakakain ng tatlong beses sa isang araw ay hindi pa rin siya sumuko sa buhay. Si Marvin ay ikalima sa walong magkakapatid.



Siya rin ang unang nakatungtong sa kolehiyo sa kanilang pamilya kung kaya naman hindi niya sinayang at pinalampas ang pagkakataon na maging benepisyaryo ng programang ito ng gobyerno. Hindi naging madali ang daan patungo sa tagumpay ni Marvin lalo na noong unang taon niya sa kolehiyo ay pumanaw ang kaniyang ama.


Sa kabila nito ay mas nagsumikap pa siya, maliban sa pagiging magsasaka at sa pangongopra ay nagtrabaho din siya bilang isang construction worker. Makalipas ang limang taon ay nakapagtapos na siya ng kolehiyo at isa nang ganap na Engineer.


Kung kaya naman labis siyang nagpapasalamat sa mga taong naging daan upang makamit niya ang tagumpay na ito hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi higit para sa kaniyang mahal na pamilya.