“Three-bed room house” naipundar at naipatayo ng isang empleyado ng mall!



Sa panahon natin ngayon, hindi madali ang mag-ipon o magtabi ng pera mula sa iyong sinusweldo bilang isang empleyado. Kadalasang kulang o hindi naman kaya ay sapat lamang ang kinikita ng isang empleyado upang masuportahan ang kaniyang pamilya at sarili nilang pangangailangan.


Kaya naman marami sa mga Pilipino ang napagdesisyunang magtrabaho sa ibang bansa upang kumita ng mas mataas na halaga ng salapi. Ngunit kakaiba sa mga kwento ng tagumpay na ating madalas na nababasa o napapanuod ang ibinahagi ng 26 taong gulang na si Naz Arene na nakapagtayo na ng sarili niyang tahanan sa Nueva Ecija.



Hindi siya nagtrabaho sa ibang bansa bagkus ay sa isang fashion boutique sa Maynila siya nagkaroon ng pagkakataong makapag-impok at makapagpagawa ng kanilang tahanan. Ayon sa ilang mga ulat ay ibinahagi niya sa Lovely House Designs ang kaniyang kwento upang kapulutan ng aral o inspirasyon ng ibang tao.

Ang bahay palang kaniyang pinag-ipunan ay para sa kaniyang mga magulang na kapwa na “senior citizen”. Siya ang bunso sa putong magkakapatid at talaga namang noon pa man ay pangarap na niyang maipagpatayo ng bahay ang kaniyang mga magulang.


Nais din kasi niyang makasama pa sila ng mas matagal. Buwan ng Enero nang simulan ang pagpapagawa ng kanilang tahanan ngunit dahil sa enhanced community quarantine ay kinailangang ihinto muna ito.



Hunyo ay muling sinimulan ang pagpapagawa ng kanilang tahanan na nasa halos Php900,000 na ang inaabot. Mayroon itong tatlong mga silid at isang palikuran.


Plano niya rin na mapalagyan pa ito ng ikalawang palapag ngunit ayon sa kaniya ay pag-iipunan pa niya ito. Maraming mga netizens ang talaga namang bumilib sa kaniyang naging dedikasyon at pagsusumikap na matulungan ang kaniyang mga magulang.

Napakagandang halimbawa din nito para sa maraming mga Pilipino na kaya din naman pala nating makamit ang pinapangarap nating bahay at lupa nang hindi na kinakailangan pang makipagsapalaran sa ibang bansa. Kinakailangan lamang talaga ng matinding determinasyon at pagsusumikap upang mapagtagumpayan natin ito.




error: Content is protected !!