Kakabilib ang Anak ng isang Jeepney Drayber!



Karamihan sa atin ay nagagawang magbigay pugay sa mga haligi ng ating tahanan tuwing Father’s Day lamang. Ang iba naman ay napapasalamatan ang kanilang mga tatay kung may mahalagang pagdiriwang katulad ng kaarawan, Pasko at iba pa.



Ang pagpapasalamat at pagsaludo sa sakripisyo ng ating mga ama ay hindi dapat ipinadadama o ipinaaabot lamang sa mga nasabing okasyon. Dahil sa araw-araw nilang ipinadarama sa atin ang pagmamahal sa pamamagitan ng pagtatrabaho upang matustusan ang ating mga pangangailangan at mabigyan tayo ng magandang buhay, nararapat lamang na palagi rin sana nating ipakita ang ating pasasalamat at pagmamahal gaya ng pag-aaral ng mabuti, pagbibigay consuelo, at pagsisikap sa buhay.

Ang pagsisikap ng mga ama na mapagtapos ang kanilang mga anak ay hindi matatawaran dahil edukasyon lamang ang pinakamahalagang pamanang kanilang maibibigay. Nakakalungkot isipin na may mga anak na hindi marunong magpahalaga sa mga paghihirap ng kanilang mga magulang. Sila yung nakukuha pang magbulakbol, magrebelde at inuuna pa ang pagbabarkada kaysa tumulong sa pamilya.

Sa kabilang banda ay mayroon din namang mga anak na mas pinipiling suklian kaagad ang mga sakripisyo ng kanilang mga magulang. Katulad na lamang ni Mary Angeli Camson, isang estudyante. Pagkatapos ng kanyang klase, sa halip na pumunta o gumala sa ibang lugar ay pinupuntahan niya kaagad ang kanyang ama upang matulungan sa kanyang trabaho.





Isang marangal na jeepney driver ang ama ni Mary Angeli na bumibyahe sa Kamaynilaan. Masasabi nating ito ay mahirap na trabaho dahil upang kumita, kailangang mamasada ng kanyang ama ng higit pa sa walong oras. At dahil binabyahe ng tatay ni Mary Angeli ang Maynila, kinakaharap niya araw- araw ang matinding trapiko at papalit-palit na panahon. Nakakaapekto rin sa maliit na kita ng kanyang ama ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Upang maibsan ang mga paghihirap ng kanyang ama, nagsisilbi bilang barker na nagtatawag ng mga pasahero at konduktor na kumukuha ng pamasahe at nagbibigay ng sukli si Mary Angeli pagkatapos ng kanyang klase. Hindi ikinakahiya ng dalaga ang trabaho ng kanyang ama. Ipinagmamalaki nya ang kasipagan ng kanyang ama at para sa kanya, ang pagiging driver ay isang marangal na hanapbuhay.


Sa kanyang Facebook account, ibinahagi ni Mary Angeli ang pasasalamat sa ama na hindi alintana ang pagod sa pamamasada ng jeep mapagtapos lang silang magkakapatid ng pag-aaral. Inilahad din nya ang kanyang pagiging swerte sa pagkakaroon nya ng kanyang tatay at kung papipiliin man siya ulit ng ama at pamilya ay pipiliin pa rin nya ang kanyang tatay at ang pamilyang kanyang kinabibilangan ngayon.

Tunay na isang mabuting tao ang tatay ni Mary Angeli. Siya ay isang marangal na manggagawa at ulirang ama na ipinagmamalaki ng kanyang anak.




error: Content is protected !!