Hello Kitty Jeepney sa Pampanga kinagiliwan ng mga netizens!



Madalas ka bang naiipit sa trapik? Umiinit ang ulo at talaga namang nabubwisit sa araw-araw na hirap at tagal ng biyahe? Paano kaya kung sa ganito kagandang sasakyan ka masakay? Mainis ka pa kaya o baka naman bigla na lang umaliwalas ang iyong mukha at baka nga ikaw ay mangiti pa dahil sa kakaibang tema ng dyip na ito.


Isang Paul Sese ang nagpost sa social media ng larawan ng isang dyip na punong-puno ng Hello Kitty at pink na mga kagamitan. Magmula sa gulong, sahig, bubong, manibela, mags, basurahan at maging ang mga upuan ay talaga namang pinangatawanan ang pagiging Hello Kitty fan!



Swerte daw si Paul Sese dahil natiyambahan niyang wala pang pasahero ang Hello Kitty jeepney ng siya ay nasakay dito. Talaga nga namang dudumugin ito ng mga tao lalo na ng mga Hello Kitty fanatic! Tiyak na ito ay magiging instant attraction sa lungsod ng Angeles sa Pampanga kung saan ito ay pumapasada.



Ngunit kung kayo ay nagtataka sa totoong kasarian ng may-ari ng sasakyang ito, huwag nang magduda pa dahil hindi siya babae kundi isang “straight” na lalaki. Siya ay si Philip Nandres na may-ari at nagmamaneho rin ng astig na dyip na ito. Ideya raw ng kanyang mahal na asawa na gawing kaaya-aya at kaingga-ingganya ang dati ay luma at nabubulok nilang sasakyan. Sino ba ang mag-aakala na magiging ganito kaganda ang dati nilang dyip? Na sa ngayon ay kinahuhumalingan na ng nakararami? Kung dati ay mga restaurants, cafe, museo o bahay lamang ang makikita mong puno ng Hello Kitty character, hindi na ngayon! Tiyak na isasama na rin ng mga Hello Kitty fanatics ang dyip na ito sa kanilang bucket list.


Nakakatuwang malaman na ang dating nakakabagot, malungkot, at nakakainis na pang-araw-araw nating biyahe ay nagkaroon bigla ng kulay kasama pa ng mga ngiti sa ating mga labi.






error: Content is protected !!