Dating pangarap lamang na mansion ni Joel Cruz, ngayon ay abot kamay na niya!



Tiyak na marami sa atin ang nagnanais at nangangarap na magkaroon ng sarili nating mga bahay o mansyon. Siguro ay masarap mamuhay sa malaki at maluwag na mansyon kasama ang iyong mga mahal sa buhay. Kung para sa ilang tao, ito ay hanggang pangarap o plano na lamang, para kay Joel Cruz, ito ay isang bagay na dapat pinagtatrabahuhan ng husto at ipinapanalangin.



Ngunit alam ba ninyo na ang isang Joel Cruz na ngayon ay kilala na dahil sa multi-million perfume business niya ay dating nangarap magkaroon ng isang swimming pool sa kanyang magiging mansyon? Anim na taon pa lamang siya ay pangarap na niya ito marahil ay malaking impluwensiya din sa kanya ang mga programa at palabas na kanyang napapanuod patungkol sa mga magagarbong bahay sa Lifestyles of the Rich and the Famous.


Dagdag pa niya labis siyang namamangha sa mga magagarbong bahay sa mga subdivision na pinupuntahan nila ng kanyang ama na si Dionisio Cruz, kung saan sila ay dating may-ari ng trucking services na naghahatid ng mga serbisyo katulad na lamang ng catering.


Ayon pa sa kanyang kwento, minsan niyang naitanong sa kanyang ama kung bakit sila ay walang swimming pool o magagarang sasakyan at magagarbong bahay tulad ng kanilang mga pinupuntahan. Ang sagot sa kanya ng kanyang ama ay dahil sa sila ay mga propesyonal tulad na lamang ng mga doktor, abogado, at may matataas na posisyon sa gobyerno.



Maraming aral ang naitimo ng kanyang ama sa kanyang puso at kaisipan tulad na lamang ng dapat ay mag-aral siya ng mabuti, maging masipag at matiyaga upang balang araw ay maging matagumpay siya at magkaroon din siya ng mga magagarbong bahay at magagarang sasakyan, maging ang pangarap niyang swimming pool ay tiyak na makakamit niya.

Tunay ngang hindi nagkamali ang kanyang mahal na ama dahil sa edad na 53-taong gulang, mayroon na siyang tatlong palapag na mansyon na pinangalanan niyang Chateau de Milagros. Bagamat mayroon pa siyang ibang bahay sa Baguio at Batangas, dito sa mansyon niya siya naninirahan. Ang mansyon niyang ito ay mayroong 12 mga kwarto, paikot na hagdanan, elevator, palaruan, paradahan ng mga sasakyan, at higit sa lahat ang pangarap niya noon na swimming pool. Taong 1950 ng naitayo ang kanyang mansyon na noon ay 174 metro kwadrado pa lamang.



Talaga namang nakakamangha at nakakatuwang malaman na ang dating pangarap lamang niya ay natupad niya dahil sa kanyang pagtitiyaga at pagsusumikap sa buhay.