Hindi hadlang ang edad ng 80-taong gulang na lola na ito upang makamtan niya ang kaniyang pangarap na makapagtapos ng hayskul!



Isang lola ang nagpatunay na walang edad para sa mga taong nagnanais makamit ang kanilang pangarap. Siya ay nakilala bilang si Salvacion Flores Nacario o mas kilala bilang si Lola Sally. Handang-handa na si lola para sa kaniyang nalalapit na pagtatapos sa Abril. Sa edad na 80-anyos ay makapagtatapos na siya sa senior highschool sa Fort Bonifacio High School sa Makati City.


Ayon sa kaniya ay tumigil siya sa pag-aaral ilang dekada na rin ang nakararaan noong siya ay nasa ikalawang taon niya pa lamang sa hayskul. Dahil siya ang panganay sa magkakapatid, siya ang naatasang tumulong, mag-alaga at magtaguyod sa pamilya noong nagkasakit ang kanilang ina.




Dagdag pa niya, nais niyang maging military nurse noon ngunit ngayon magtatapos na siya ng hayskul ay isa nang napakalaking tagumpay na. Isang sundalo ang kaniyang napangasawa at biniyayaan ng sampung anak. Dahil sa mayroon nang kani-kaniyang buhay ang kaniyang mga anak ay pinagdesisyunan na niyang mag-aral ulit. Noong una ay ayaw siyang pahintulutan ng kaniyang mga anak dahil sa edad niya ngunit wala na rin silang nagawa dahil sa gusto talaga niyang mag-aral.


Araw-araw siyang pumapasok sa paaralan kasama ang kaniyang apo at talaga namang ikinatutuwa niya ang pag-aaral at ang mga bagong bagay na kaniyang natututunan sa eskwela. Dagdag pa ni lola Sally tila nalilimutan niya ang kaniyang mga problema kapag siya ay nasa paaralan. Hindi rin naman maiiwasan ang mga mapanghusgang tao na ginagawang katatawanan ang pangarap niyang mag-aral at makapagtapos ng pag-aaral.


Ngunit, matatag at puno ng pagtitiyaga si lola Sally kung kaya hinahayaan na lamang niya ang mga ito. Payo pa ni lola Sally sa maraming mga kabataan na sikapin nilang makapagtapos ng pag-aaral at makamit ang kanilang mga pangarap sa buhay.