Dalawang kaibigan ang nagsabit ng karangalan sa kanilang kaibigan dahil sa hindi nakapunta ang mga magulang nito sa kanilang awarding ceremony!



Dalawang kabataang lalaki ang naging viral at naging usap-usapan sa social media dahil sa pagsasabit nila ng pin sa isa pa nilang kaibigan na walang kasamang magulang. Ang kanilang mabuting gawa ay talaga namang pumukaw sa atensyon ng maraming mga netizen.



Isang proud na ama si Albert Egot Jr. na nagbahagi ng larawan ng kaniyang anak na si Lance Seigfred at ng matalik nitong kaibigan na si Nicko. Silang dalawa ang nag-pin ng karangalan sa kanilang kaibigang si Arce dahil sa hindi nakapunta ang kaniyang mga magulang sa nasabing seremonya.


Ayon pa sa ama ni Lance, nakuha na ng kaniyang anak at ng isa pa nilang kaibigan ang kani-kanilang mga award ngunit ang isa pa nilang kaibigan na si Arce ay hindi pa natatawag. Nadinig din niya ang kaniyang anak nang sabihin nito sa kaibigan na si Arce na sila ay manalangin na tawagin na sana ang kaniyang pangalan.



Sa ibang post naman ay ibinahagi ni Lance na siya ay nakatanggap ng Happy Helper Award with Honor (Top 5) habang Eager Beaver Award naman ang natanggap ni Nicko. Nang matawag na si Arce ay talaga namang naghiyawan ang dalawa niyang kaibigan upang ipakita ang kanilang suporta sa kaniya. Habang hinihintay ng kanilang guro na pumunta sa harapan ang kaniyang mga magulang ay agad nang tumakbo sa harap ang dalawa niyang kaibigan upang sila na ang magkabit ng karangalang natamo ng kanilang kaibigan.


Ayaw din namang husgahan ni Daddy Albert ang mga magulang ni Arce. Maaaring hindi makaalis ng kani-kanilang trabaho ang kaniyang mga magulang dahil sa kanilang responsibilidad at obligasyon. Maaaring labis labis na nalulungkot ang kaniyang mga magulang dahil sa hindi nila nagawang makapunta sa isang mahalagang araw para sa kanilang anak. Ngunit sa kabila nito ay naging kasiya-siya naman ang ginawa ng mga kaibigan ni Arce na talaga namang naging inspirasyon sa maraming mga kaibigan, anak at magulang.





error: Content is protected !!