Hinangaan ang mag-aaral na ito sa kaniyang pagtatapos dahil sa pagsusumikap niyang mag-aral kahit pa isa lang ang kaniyang paa at 4 kilometro ang kaniyang nilalakad!



Mahirap talaga ang buhay ng iilan sa ating mga kababayan, ngunit mas nakakapagpabigat pa nito ang ilang kilometrong kailangan nilang lakbayin araw-araw para lamang makapasok sa eskwela. Ang ilan nga ay kinakailangan pang umakyat ng bundok, tumawid ng ilog at dumaan sa tulay para lamang makapasok sa kani-kanilang paaralan at kalaunan ay makatapos ng kanilang pag-aaral.


Ngunit kung ito ay pagsubok na sa maraming mga kabataang Pilipino, tiyak na mas mahirap naman ito sa mga taong mayroong kapansanan. Si Junar T. Mahilum, ang Principal 1 ng Department of Education (DepEd) sa Toboso, Negros Occidental sa Central Philippines ang nagbahagi ng kwento ng estudyanteng si Jean Arija Daipal, isang dalagang nagsumikap sa kabila ng kaniyang kapansanan na makapagtapos ng kaniyang pag-aaral.



Kamangha-mangha ang estudyanteng ito dahil sa kaniyang dedikasyon sa kaniyang pag-aaral. Sa kaniyang matinding pagnanais na makatapos ng pag-aaral ay hindu niya alintana ang 2 kilometrong paglalakad patungo at 2 kilometro pang muli pauwi galing paaralan kahit pa nga isa lamang ang kaniyang binti at siya ay nakasaklay pa.



Nabigyan din ng karangalan ng kanilang eskwelahan si Jean dahil sa kaniyang pagsusumikap, at ang tanging hiling lamang ng kaniyang mga guro ay mas marami pang mga kabataang Pilipino ang makakuha ng inspirasyon mula sa kaniya. Kahit pa elementarya pa lamang ang kaniyang natatapos ay tiyak na malayo pa ang kaniyang mararating dahil sa kaniyang matinding pagmamahal at dedikasyon sa kaniyang pag-aaral. Nais ni Jean na makapagpatuloy pa sa pag-aaral, tanging hiling niya lamang ay isang “artificial leg” na makakatulong at mas makapagpapadali ng kaniyang paglalakad araw-araw.


At dahil nga sa nasabing post na naging viral ay umani ito ng maraming mga komento mula sa mga netizen, at ang ilan pa nga ay nagnanais magbigay ng tulong sa masipag at kahanga-hangang estudyante, mayroon ding iilan na nagnanais na makatulong sa kaniya sa pagbibigay ng “artificial leg”.





error: Content is protected !!