Talaga namang ikinamangha ng marami ang pagiging Magna Cum Laude ng aktres na si Yasmien Kurdi!



Marami sa atin ang nangangarap na makapagtapos ng pag-aaral sa kabila ng mga paghihirap natin sa buhay o maging sa mga pagsubok na ating pinagdaraanan. Anuman ang ating mga hinaharap sa buhay ay tiyak na magiging kagalakan na natin ang makamit ang isa sa ating mga pangarap, ang makapagtapos ng ating pag-aaral.



Sadyang ganoon na lamang ang pagpapahalaga nating mga Pilipino sa edukasyon kung kaya naman napakalaking bagay na sa atin ang makapagtapos ng pag-aaral. Sa puntong ito ay makakasiguro tayo na kahit papaano ay mayroong magandang kinabukasang naghihintay para sa atin.


Artista man o hindi, mayaman man o mahirap, matanda o bata ay tiyak na sasang-ayon patungkol sa kahalagahan ng edukasyon hindi lamang para sa ating kinabukasan ngunit pati na rin sa kinabukasan ng ating pamilya. Hindi na kataka-takang ang ilang mga artista ay nagpaplano pa ring mag-aral at magtapos ng kolehiyo sa kabila ng kanilang magandang karera sa industriya ng show business.



Isang magandang halimbawa na rito ang aktres na si Yasmien Kurdi. Siya ay kumuha ng kursong A.B. Political Science sa Arellano University. Siya ay hinirang din bilang isang Magna Cum Laude. Nagbahagi ang aktres ng kaniyang medalya, at mga larawang ng kaniyang pagtatapos. Ayon sa kaniyang naging pahayag, lubos ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng naging bahagi ng kaniyang tagumpay. Nagbigay din siya ng aral mula sa kaniyang karanasan na kaya mong maabot ang iyong pangarap basta’t magpupursige ka lamang at pagsusumikap.


Labis pa ngang humanga ang marami sa kaniya dahil sa kabila ng pagiging artista, asawa at ina niya ay nagawa niyang makamit ang isa sa kaniyang mga pangarap sa buhay. Hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pambihirang pagkakataon na magbigay inspirasyon sa maraming mga Pilipino at kabataan na magsumikap sa buhay.



Tiyak na mas magiging masaya ka at ang iyong pamilya kung makakamtan mo ang mga pangarap mong maabot sa buhay sa kabila ng maraming mga pagsubok at hirap sa buhay.