Isang babae ang may alagang Gopher Tortoise, na regalo sa kanayang ika-10 kaarawan, kasama at kapiling pa rin niya sa 57 na taon!



Marami sa atin ang nahihilig sa pag-alaga ng hayop. Karaniwan sa mga napipili nating alaga ay mga aso o pusa. Kaso labis na ikinalulungkot ang mabilis na buhay ng mga alaga dahil sa ikli ng kanilang ‘lifespan’.



Pero mayroon palang pwedeng alagaan na hayop na maaaring tumagal ang buhay ng higit pa sa tao? Nakaka-bilib pero mayroon talaga. Taong 1962 nang niregaluhan si Jeanna Smith ng isang alagang Tortoise sa kanyang ika-10 kaarawan. Niregaluhan siya ng kanyang mga magulang ng pagong dahil nakita nila ang pagka-hilig ni Jeanne sa mga pagong.


Pinangalanan niyang ‘George’ ang Tortoise na regalo sa kanya. Dahil alaga niya ito, responsibilidad na niya ang maayos na pag-aaruga dito. Simula ng dumating sa buhay ni Jeanne si George, nagkaroon sila ng samahan na hindi matitibag.


Laging nasa tabi niya ang kanyang alagang pagong. Kapag siya ay sasakay sa kanyang bisikleta, nilalagay niya si George sa basket upang makasama. Kapag may mga bakasyon naman sila, sinasama pa rin niya si George.



Naging parte na rin ng pamilya si George. Dahil hindi lamang si Jeanne ang nagmamahal sa kanya pati narin ang buong pamilya. Sa katunayan, tuwing sasapit ang pasko, pinapakain si George ng Strawberries at kiwi. Minsan pa nga ay dinadamitan si George ng pang Holloween na kasuotan.

Nang nagdalaga si Jeanne, sinama pa rin niya ito sa kanyang dormitoryo. Kahit na ipinagbabawal ang mga hayop, naitakas niya ito sa loob. Natutuwa rin ang mga kasama niyang babae sa alagang pagong. Sa pagtagal ay nakilala ni Jeanne ang kanyang asawa na si Kirby Smith. Kaya naman kung talagang mahal niya si Jeanne ay kailangan tanggapin niya rin ang alagang pagong na si George.



Ngayon ay nasa lampas 60’s na ang edad ni Jeanne at kapiling pa rin niya ang alagang pagong na si George. Ang mga Gopher Tortoise pala ay tumatagal ang buhay ng 100 na taon. Maaaring baka mauna pa si Jeanne Smith sa kanyang alaga. Kaya hinabilin na niya si George sa kanyang mga anak.