Isang nobya ang sumampal ng 52 beses sa kaniyang nobyo dahil sa hindi nito binili ang nais niyang bagong cellphone!



Kapag ang isang tao ay nasa isang relasyon, hindi naman mahalaga ang anumang materyal na bagay na ibinibigay o natatanggap natin sa ating mga minamahal. Ngunit karamihan din naman sa mga magkasintahan ay ginagawa ito upang paminsan-minsan ay maipakita ang kanilang pagmamahal sa kanilang kapareha.



Ngunit paano naman kaya kung may hilingin ka sa iyong minamahal at hindi niya ito kayang ibigay? Marahil ay sisimangot, malulungkot, at magtatampo na lamang tayo. Ngunit hindi ang babaeng ito, dahil hindi niya kayang maging kalma sa ganitong sitwasyon at dahil nga sa kaniyang galit ay pinagsasampal-sampal pa niya ang kaniyang nobyo ng maraming beses nang hindi siya nito mabilhan ng bagong smartphone para sa noon ay Valentines Day.


Ilang surveillance at cellphone camera ang nakasaksi sa pag-aawayan ng magkasintahan na ito sa Dazhou Sichuan province. Ang nasabing babae ay nakitang sinasampal ang kaniyang nobyo ng makailang ulit sa harap ng napakaraming tao. Ngunit mas naging malala pa ang kanilang pag-aaway ng sunod-sunod nitong sampalin ang nobyo, na nasa 52 beses pa nga!


Ang nobyo naman ay hinahayaan na lamang ang kaniyang kasintahan na saktan siya at sampal-sampalin ng maraming beses. Ang nakakagulat pa nga ay kahit pa ganito ang nangyari sa magkasintahan ay ipinagtatanggol pa rin ng nobyo ang kaniyang nobya sa mga otoridad. Dagdag pa niya, kasalanan niya na hindi mabilhan ng bagong cellphone ang nobya kung kaya naman ang pagtanggap niya sa pisikal na pang-aabuso nito ang tanging paraan upang mapakalma siya.



Natuklasan ng mga pulis na ang nobya ang matagal nang sumusuporta sa pinansyal na pangangailangan ng nobyo. Ngunit dahil nga sa nagdiriwang sila ng Valentines Day ay kahit papaano ay nag-akala ang nobya na siya ay reregaluhan ng kaniyang nobyo, ngunit hindi pala. At dito nga nagsimula ang galit ng babae sa kaniyang kasintahan. Nang sila ay kausapin ng pulisya ay napagdesisyunan ng dalawa na ayusin na lamang nila ang problema sa kanilang sariling pamamaraan. Hindi na rin nais pa na magsampa ng kaso ng nobyo para sa pananakit ng kaniyang minamahal.




error: Content is protected !!