Isang lalaki ang nagpagawa ng standee ng pumanaw niyang ina upang makasama ito sa kaniyang mga graduation pictures!



Edukasyon ang isa sa pinakamahalagang bagay na maipapamana sa atin ng ating mga magulang. Kung kaya naman hindi na kataka-taka na palagian nila tayong pinaaalalahanan na huwag nating sayangin ang pagkakataon na ibinibigay sa atin upang tayo ay makapag-aral at magkaroon ng magandang kinabukasan.


Kung patok na patok sa social media ang mga kwento ng mga kabataang nagsumikap upang makapagtapos sa kolehiyo, pumukaw din naman sa atensyon ng mga netizen ang kwento ng lalaki na ito na gumawa ng standee ng kaniyang namayapang ina upang makasama niya ito sa kaniyang mga graduation pictures.




Siya ay nakilala bilang si Paulo John Alinsog na gumawa ng paraan upang kahit papaano ay makasama nito ang yumao niyang ina para sa kaniyang pagtatapos sa kolehiyo. Siya ay nakapagtapos ng kursong Business Administration sa Lyceum of the Philippines University (LPU). Ang kaniyang pagtatapos ay pinagsumikapan niya ng husto dahil sa ito ang pangarap ng kaniyang ina para sa kaniya. “Sa pinakamaganda kong nanay! Ma, graduate na panganay mo. Sana happy ka dyan sa piling ni God. Ito ang gusto mo kaya tinapos ko. Mahal na mahal kita,” ito ang post ng binata na umani ng mahigit 21,000 reactions, 400 comments, at 8,100 shares.


Talaga namang pumukaw ito sa puso ng maraming mga Pilipino lalo na sa mga anak na magsisipagtapos at mga magulang na walang ibang ginawa at inisip kundi ang ikabubuti at ikaaayos ng kanilang mga anak. Tiyak na kung nasaan man naroon ang kaniyang ina ngayon ay proud na proud ito sa kaniya. Nakakalungkot man talagang isipin na wala na ang kaniyang ina sa kaniyang tabi ay nagsumikap pa rin siya na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral at ang pangarap nilang mag-ina.


Kung kaya naman bilang mga anak ay hindi natin dapat ipagwalang bahala ang sakripisyo ng ating mga mahal na magulang para lamang sa ikaaayos at ikagaganda ng ating mga kinabukasan.




error: Content is protected !!