Isang estudyante labis na hinangaan ng marami dahil sa kamang-mangha at metikuloso niyang mga hairstyles sa araw-araw niyang pagpasok sa klase



Naging usap-usapan kamakailan lamang ang mag-aaral na ito dahil sa araw-araw niyang pagpasok sa eskwela ay iba-iba rin ang kaniyang nagiging hairstyle. Dahil sa labis na pagkamangha sa estudyante ay ibinahagi ng kaniyang guro ang ilan sa mga larawan nito sa social media. Ang mga nakakamangha palang ayos ng buhok ng estudyante ay gawa ng kaniyang nakakatandang kapatid.



Isang guro sa Bustos, Bulacan na nakilala bilang si Alvin S. Lopez ay nagbahagi ng ilan sa mga larawan ng batang babae na kaniyang estudyante dahil sa labis na pagkamangha nito sa ayos ng buhok ng mag-aaral na iba-iba sa bawat araw. Ayon pa sa guro, ang batang babae na ito ay nagsimulang magsuot ng mga kamangha-manghang mga tirintas at pusod nang magsimula ang klase noong nakaraang Hunyo.


Base na rin sa mga larawan ng mag-aaral na ito ay napakalinis ng pagkakagawa at hindi mo aakalain na gawang kamay lamang. Ang mas nakakabilib pa dito ay walang nauulit sa lahat ng mga nakakamanghang ayos ng estudyante sa kaniyang buhok.


“Ang daming time ng nag aayos ng hair ng batang ito hahahhaha everyday ko kunan pic hair nya hehehe,” ito ang pabirong komento ng guro sa kaniyang estudyante. Ngunit kahit pa nga biro ang nasabing komento ng guro ay hindi rin naman natin maipagkakaila na hindi biro ang pag-aayos ng ganitong uri ng istilo ng buhok at talaga namang nangangailangan ng mabusising paggawa ng mga ito.


Ayon naman sa ilan pang mga netizen, ang mga larawan ng istilo ng buhok ng estudyanteng ito ay madalas nilang nakikita sa mga espesyal na okasyon kagaya na lamang ng kasal at mga evening parties.



Nakakatuwa ring malaman na kahit pa nga napakaeleganteng tingnan ng mga ayos na ito ay hindi pa rin nakalimutan ng kaniyang ate na iayon ito sa kaniyang edad sa pamamagitan ng paglalagay ng mga makukulay na tali sa buhok, mga laso, at iba pang makukulay na mga panali.




error: Content is protected !!