Kapuso actor Rocco Nacino nagpalista bilang isang reservist sa Philippine Navy, pangarap na naisakatuparan niya sa wakas!



Para sa aktor na si Rocco Nacino, ang pagiging bahagi ng Philippine Navy ay isang napakagandang pangarap para sa kaniya na natupad na rin sa wakas. Ayon pa sa Kapuso star ang pagiging parte niya ng nalalapit na television series na “Descendants of the Sun” ang nagbigay inspirasyon sa kaniya upang magpalista bilang isang reservist ng Philippine Navy.



Ibinahagi naman ng aktor ang kaniyang pananabik sa pagsabak sa kaniyang training at ito ang naging pahayag niya sa Instagram:
“Yup, it’s happening. Sa paggawa ng trainings namin para sa Descendants of the Sun, nabuksan ng Armed Forces of the Philippines ang mga mata ko para maka-contribute sa ating bansa thru being a reservist for the Philippine Navy. This is an exciting year for me!”


Ang aktor na si Rocco ay nagtapos bilang isang cum laude at mayroong “Master’s Degree” sa kursong Nursing. Talaga namang natutuwa siya dahil sa maaari niyang magamit ang kaniyang mga kakayahan upang makatulong sa mas malaking komunidad. Ito pa ang karagdagang pahayag ng aktor:


“I believe na magagamit ko ang skills ko as a nurse for medical missions, physical skills in times of calamity, and my influence to inspire and motivate the youth. I am glad that @gmanetwork is very supportive in this new journey of mine. Abangan ang training videos ko soon! #PhilippineNavy”



Ibinahagi din niya kung gaano niya kagusto na magsilbing inspirasyon para sa mga kabataan na makilahok pa sa mga aktibong gampanin sa kanilang komunidad na tiyak na makatutulong din ng malaki sa kanila. Nais niya ring maging isang “vessel of influence” para sa maraming mga kabataang Pilipino na hindi rin naman masama maging isang “reservist” sa ating sandatahang lakas dahil kahit pa mga sibilyan lamang tayo ay marami pa din naman tayong magagawa at maaaring maiambag.



Kamakailan lamang ay sinamahan din niya ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes na isa ring arine reservist bilang isa sa mga panauhing pandangal sa “welcoming ceremony” para sa BRP Conrado Yap, isang Pohang-class corvette vessel na ibinigay ng South Korea sa Pier 13 ng South Harbor sa Maynila.