Guro, walang takot na dumaan sa gumuhong kalsada para lamang makapasok at maturuan ang kaniyang mga estudyante!



Maraming mga guro sa iba’t-ibang panig ng ating mundo ang talaga namang nagsasakripisyo para sa kanilang mga estudyante. Bukod pa rito ang kanilang pagpupuyat at pagpapagal sa kanilang mga leksyon at maging sa pagtungo sa paaralan araw-araw para lamang sa magandang kinabukasan ng mga kabataan.



Kamakailan lamang ay labis na hinangaan ng publiko ang guro na ito sa Thailand dahil sa matapang niyang pagsuong sa sirang kalsada na napinsala ng landslide para lamang maturuan ang kaniyang mga estudyante.


Ilang mga lugar na rin sa Thailand tulad na lamang ng Na Udom kung saan kuha ang larawan ang nalubog sa matinding pagbaha ng ilang mga araw dahil na rin sa bagyong Podul. Ilang mga kalsada pa nga ang nasira at isa na nga sa mga iyon ang kalsada sa viral na larawan.


Ngunit ang hindi pa napapangalanang guro na ito ay determinadong magtungo sa paaralan upang masiguradong ang kaniyang mga mag-aaral ay hindi malalaktawan ng kahit isang leksyon lamang. Kahit pa nga nangangahulugan ito na maaaring mapahamak ang kaniyang buhay. Ang guro ay nakayapak lamang at tangan tangan ang kaniyang mga sapatos sa isang kamay habang ang isa pa niyang kamay ang panghawak niya sa pag-akyat sa pangsamantalang hagdanan at maging sa dalawang bag na kaniyang dala-dala na gamit sa eskwela.


Ang paaralan na pinagtuturuan ng guro ay ilang kilometro pa ang kayo mula sa sirang kalsada na kaniyang dinaanan ngunit tila wala talagang makapipigil sa kaniya upang gawin ang trabahong kaniyang sinumpaan. Umani ng sari-saring komento at reaksyon mula sa publiko ang kabayanihan ng guro ngunit marami din naman ang nag-alala sa kaligtasan ng guro lalo na at araw-araw niyang kailangang suungin ang panganib sa pagdaan sa sira-sira at gumuhong kalsada. Ang ilang mga netizen naman ay humihiling ng aksyon mula sa pamahalaan patungkol sa paggawa ng mga napinsalang kalsada, at mga tulay dahil sa kalamidad.






error: Content is protected !!