Si Alden Richards at ang kaniyang pagsisimula sa industriya ng show business!

Sadyang malayo na talaga ang narating ng Pambansang Bae na si Alden Richards. Nagsimula siya bilang isang modelo at malimit na sumasali sa mga male beauty pageants matapos niyang mabigo noon na makapasok sa talent search ng Kapuso network na Starstruck sa ikalimang season noong 2009. At ngayon nga ay isa na siya sa pinakahinahangaang aktor sa industriya ng show business ngayon.


Ang 27 taong gulang na aktor ay nasimulang mapukaw ang atensyon ng publiko nang sumikat ng husto ang tambalan nila ni Maine “Yaya Dub” Mendoza na nakilala din bilang ang love team na AlDub (kilala rin bilang MaiDen at MaiChard).

Nito lamang ika-28 ng Agosto ay kinilala siya bilang Asia’s Multimedia Star matapos niyang mapanalunan ang 2019 Seoul International Drama Award, Asian Prize Award na ang katumbas ay Best Acting Award na ginanap sa South Korea.

Ngunit kung akala natin iyon na lahat ng naging tagumpay niya sa taong ito, marahil ay nagkamali tayong lahat dahil mas marami pang mga pagpapala ang dumating sa kaniyang buhay. Isa na sa mga ito ang naging napakatagumpay na pagtatambalan nila ng Kapamilya young actress na si Kathryn Bernardo sa blockbuster romance-drama movie na “Hello, Love, Goodbye” na ngayon ay “highest-grossing Filipino film of all time na mayroong P880,603,490 na kita sa buong mundo ayon na rin sa pagbabalita ng mga producer ng Star Cinema noong Setyembre 3.


Nagbahagi naman ng kaniyang labis na pasasalamat ang Kapuso actor at Eat Bulaga host sa Diyos at maging sa kaniyang ina na si Rosario Faulkerson na sumakabilang buhay noong 2008 dahil sa sakit ma Pneumonia. Ang kaniyang ina ang naging inspirasyon niya sa lahat ng kaniyang mga natatamasang tagumpay sa ngayon. Ayon sa isang interview, pangarap talagang maging isang piloto ni Alden noon pa man ngunit nais ng kaniyang ina na pumasok siya sa show business.

Nang pumanaw ang kaniyang ina ay pinagsumikapan niyang makamit ang pangarap nito para sa kaniya na maging isang artista kung kaya naman sumabak siya sa audition para sa acting role sa GMA afternoon soap na Alakdana. Nakapasa siya sa audition at gumanap na “Joma” sa nasabing teleserye.



error: Content is protected !!