Bus company ginawang “library on wheels” ang luma nilang bus para makatulong sa mga kabataang Pilipino



Karamihan sa nga provincial at city buses ngayon ang nagiging dahilan ng matinding trapiko sa mga abalang lansangan ng Metro Manila ngunit kamakailan lamang ay talaga namang ginulat ng bus company na “Five Star Bus” ang publiko dahil sa pakikipagkasundo nito sa Hulma Foundation na gawing silid-aklatan ang isa sa mga luma nilang bus.



Ito ay tinawag nila na “Lakbay Aklatan”. Ang loob ng lumang bus ay nilagyan nila ng mga istanteng lagayan ng mga libro at mayroon ding lugar kung saan ka maaaring magbasa. Layon ng adbokasiya nilang ito na maging instrumento upang mahikayat pa ang maraming mga kabataan na magbasa at maingganya din sila na magdala ng mga aklata sa pang publikong paaralan sa Pilipinas.


Ito ay ipinakilala sa publiko noong Setyembre 9, 2019 kung saan nagtungo ang “Lakbay Aklatan” sa Laoang, Tarlac upang magkaroon ng “read-aloud” at “open reading sessions” para sa mga estudyante ng isa sa mga benepisyaryo nilang paaralan.


Sa ngayon ay mayroon pa silang tatlong mga paaralan na bibisitahin sa Tarlac, ang San Juan de Valdez, Mapalad, at Carangian kung saan isang buong linggo sila mananatili sa mga nasabing paaralan ngayong taon ayon na rin sa GMA News Report.


Si Ria Cauton ang isa sa mga founders ng Lakbay Aklatan, ayon sa kaniya layon ng programang mahikayat ang mga kabataan na mahalin ang pagbabasa. Dagdag pa niya ay mayroon mga guro sa loob ng mobile library na maaaring magturo ng one-on-one tutorial sa mga bata. Target nila ang mga mag-aaral na nasa una at ikalawang baitang kung saan sila ay paglalaanan ng tig-sampung minuto na lesson sa English at Filipino araw-araw sa loob ng isang linggo.



Tiyak na malaki ang maitutulong ng Lakbay Aklatan sa maraming mga kabataan. Tunay nga na nakakatuwang malaman na mayroong mga ganitong uri ng proyekto ang ilang mga organisasyon para sa pagpapahalaga at pagbibigay importansya sa edukasyon ng mga kabataang Pilipino.

Source: SmartParenting




error: Content is protected !!