Isang netizen ang umorder sa isang shopping app ngunit nang dumating ang kaniyang order ay nakatanggap siya ng bato!



Marami na sa atin ngayon ang mas komportable nang namimili ng kanilang mga pangangailangan sa mga online shop. Lalo na yung mga tao na abala sa kanilang trabaho sa loob ng kanilang tahanan kasabay pa ng pag-aalaga at pag-aasikaso ng kanilang mga anak at mga gawaing bahay.



Hindi nga maipagkakaila na malaking tulong talaga ang mga online shopping app na ito upang hindi na umalis pa ng bahay o mamili sa mga mall ang ilan sa ating mga kababayan. Ngunit sa kasamaang-palad ay mayroon talagang mga pangyayari na hindi maiiwasan lalo na kung transaksyon ay mayroong kalakip na pera.


Kamakailan lamang ay naging usap-usapan sa publiko ang naging karanasan ng isang netizen na ito na nakilala bilang si Jay-Anne Kristi Mauricio Pame. Ibinahagi niya sa kaniyang social media account ang nangyari sa kanilang mag-asawa matapos nilang umorder at makatanggap ng bato mula sa isang online shopping app.


Ayon sa kaniyang viral post, umorder siya noon ng baterya sa isang online shop ngunit ang kaniya palang binayaran ay maling item! Ang kaniyang asawa ang pumick-up nito sa kaniyang opisina dahil sa abala ito sa kaniyang trabaho bilang isang “work at home mom”. Ang kanilang inorder ay nagkakahalaga ng P1,800! Ngunit nang makita nila ang laman ng karton ay sumambulat sa kanila ang ilang piraso ng bato sa halip na mga baterya na kanilang binili.


Tinawagan niya ang taong nagdeliver ng kanilang inorder na item at sinabi ang nangyari ngunit sabi nito ay hindi na maibabalik pa ang pera nila dahil sa naipadala na ito sa may-ari ng tindahan na kanilang pinagbilhan. Nakausap din naman niya ang may-ari ng online store ngunit sinabi nito na tama ang kaniyang inilagay na item sa karton, marahil ay napalitan ito sa bodega ng Ninja Van na siyang nagdeliver ng kanilang order. Humingi ng paumanhin ang may-ari ng online store sa naranasan ng kanilang buyer at naibalik din naman ang pera nila matapos ang mahabang proseso.