Mapapasana-all ka talaga!: Isang napakaswerteng inaanak ang binigyan ng kaniyang ninang ng P23,000 na pamasko!



Ang Kapaskuhan ay panahon ng pagbibigayan. Maraming mga pagkain sa hapag-kainan at sari-saring mga makukulay na parol at Christmas tree sa ating mga tahanan. Masasayang mukha naman ng mga batang nangangaroling ang mamataan sa kalye. Siyempre, hindi mawawala ang puto bumbong at bibingka sa bawat simbang gabi. Tunay nga na napakasarap ipagdiwang ng Pasko sa Pilipinas. Bukod pa rito ay hindi rin nawawala ang pagbibigay ng mga regalo o “aguinaldo” ng mga ninong at ninang para sa kanilang mga inaanak. Wala ito sa presyo ng regalo o halaga ng salapi na nasa pulang sobre ngunit ang pag-alaala ng mga ninong at ninang sa kanilang mga inaana sa espesyal na selebrasyong ito.



Ngunit para sa ibang mga ninong at ninang na medyo may pinagdadaanan at gipit talaga sa buhay ay hindi na nagagawa pang makapaghanda ng kahit ano para sa kanilang mga inaanak. Maaaring ito ang naging dahilan ng isang ninang na ito na usap-usapan sa social media ngayon dahil sa kaniyang ginawa para sa kaniyang inaanak na hindi niya napamaskuhan sa loob ng 23 taon!
Ang viral post na ito sa Facebook ay mayroong username na Princess Joie H. Cabiles, nagtanong ang ninang na hindi na nagpakilala kung natanggap ba nito ang regalo na kaniyang ipinadala para sa kaniya. Magalang naman itong sinagot ni Princess at sinabing medyo abala pa siya sa maraming mga bagay kung kaya naman hindi pa niya ito nakukuha. Nagtanong din siya kung ano ang regalo ng kaniyang ninang para sa kaniya. Laking gulat nito nang malaman niyang pinadalhan siya ng pera ng kaniyang ninang na nagkakahalaga ng P23,000!


Agad namang nagpasalamat si Princess sa kaniyang ninang at sinabing napakalaki naman ng padala nito para sa kaniya. Ayon naman sa kaniyang ninang ay sapat lamang ito sa mga taon na hindi niya ito nabigyan ng mga regalo. Maraming mga netizens ang talaga namang bumilib at humanga sa ninang na ito na hindi nakalimot sa kaniyang inaanak sa mga taong nagdaan. Mapapa-sana all ka naman talaga!