Lalaking naghahanap ng tirang pagkain sa isang restaurant, binigyan ng crew ng isang kahon na pizza sa halip na tira-tirang pagkain lamang!



Para sa marami ang Kapaskuhan ay panahon ng pagbibigayan at pagmamahalan. Ngunit para naman sa ibang tao ay hindi lamang ito ang panahon na dapat ay isapuso at isaisip natin ang pagiging mabuti sa ating kapwa. Katulad na lamang ng isang crew na ito na nagpakita ng kabutihang-asal at pakikipagkapwa-tao sa isang lalaking nagugutom at tila naghahanap na lamang ng tira-tirang pagkain sa restawran.



Ang ulat na ito ay mula sa GMA news na nasaksihan mismo ng dati nilang reporter na si Lia Mañalac Del Castillo. Nakita niya kung paano itrato ng isang crew ang lalaking nagugutom at lakas loob na nanghingi sa kaniya ng makakain. Napukaw ang atensyon ni Lia sa isang lalaking pumasok sa establisyementong kaniyang kinaroroonan. Doon ay naupo ang lalaki at ininuman ang baso nang nauna nang customer doon na tila kaalis pa lamang at katatapos pa lamang kumain.


Napansin naman nang crew na walang nakuhang pagkain ang gutom na lalaki kung kaya naman pinigilan niya itong lumabas at sinabing bibigyan niya ito ng pagkain. Laking gulat ng lalaki nang bumalik ang crew dahil sa isang kahong pizza ang ibinigay nito sa kaniya at hindi basta tira-tirang pagkain lamang. Halos maluha luha ang reaksyon ng lalaki sa ginawang ito sa kaniya ng nasabing crew.


Tunay na nga umantig din sa napakaraming mga netizens ang pambihirang pangyayari na ito. Nakakamanghang isipin na mayroon pa rin pa lang mga tao ang nagmamalasakit ng husto sa kanilang kapwa lalo na sa mga tao na nangangailangan at kapus-palad.


Kung kaya naman tiyak na mas marami pang mga Pilipino ang hindi magdadalawang-isip na tumulong sa mga taong tunay na nangangailangan at hirap sa buhay. Bagamat hindi lahat sa atin ay mayroong limpak limpak na salapi ay mayroon pa rin naman tayong kaniya-kaniya nating paraan upang makapagbigay o makapag-abot ng tulong sa iba.






error: Content is protected !!