Mga bata sa Hawaii nagbenta ng kanilang laruan upang makatulong sa mga taong apektado ng pagputok ng bulkang Taal



Kamakailan lamang ay naging usap-usapan sa social media ang naging post ng isang Pilipino na ito mual sa Hawaii, siya ay nakilala bilang si Markee Camiso. Nakuhanan niya ng larawan ang mga batang ito na nagtitinda ng kanilang mga laruan sa Hawaii upang makalikom ng donasyon para sa mga nabiktima ng malawakang sunog sa Australia at maging ang naganap kamakailan lamang na pag-aalburoto ng bulkang Taal sa Batangas.


Nakasulat pa nga ang mga katagang “Save Australia and Philippines” sa harapan ng lamesang gamit ng anim na mga bata sa pagtitinda nila ng kanilang mga laruan sa La’ie community. Para sa mga kabataang ito ay napakalaking bagay at sadyang napakalaking halaga ng mga laruan para sa kanila ngunit sa kabila nito ay mas ninais pa rin nilang ibenta ang mga ito at nang makalikom sila pondo na maaaring maitulong sa mga bansa na nakararanas ng sakuna sa ngayon.



Tunay nga na nakakataba ng puso lalo na sa ating mga Pilipino ang makasaksi ng mga ganitong pangyayari. Labis din na nagalak ang puso ni Markee na siya mismong nakasaksi nito dahil sa siya ay mula sa Talisay, Batangas. Ang lugar na ito ang isa sa pinakanaapektuhan ng nangyaring pagputok ng bulkang Taal nito lamang Enero 12. Maraming mga netizens din ang labis na humanga sa mga batang ito dahil sa pambihirang pagmamalasakit at pagtulong nila sa kanilang kapwa sa mura nilang edad. Sa ngayon ay nasa higit 15,000 na ang mga positibong reaksyon ng mga netizens sa post na ito at mayroong higit sa 8,600 na mga shares.

Sa kabila ng pagsubok na ito na kinahaharap ng ating bansa at ilang mga kababayan sa Batangas ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga Pilipino na muling makakabangon ang bawat isa. Ito ay dahil na rin sa walang sawang pagtulong ng marami sa atin, maging ilang mga dayuhan sa pagpapamahagi ng mga pangunahing pangangailangan at maging sa napakaraming mga panalangin ng bawat isa para sa mga taong labis na naapektuhan ng pag-aalburoto ng bulkang Taal.





error: Content is protected !!